Naantalang pag-aaral, matutuloy na
Jessa Fajardo May 27, 2021 at 12:01 PMSa ikalawang episode ng programang Dear Mayor Joni, ipinakilala ni Pastora Jovi Villanueva- Binalla si Charles Sena bilang bagong benepisyaryo ng proyekto.
Ang Dear Mayor Joni ay programa ng yumaong Mayor Joni Villanueva na tumulong sa mahihirap na Bocaueno noon.
Bilang paggunita sa kanyang alaala at itaguyod ang kanyang legasiya, ipinagpatuloy nina Senator Joel Villanueva, Pastora Jovi at ng kanyang pamilya ang nasimulan ng alkalde.
Sa pagkakataong ito, nais ng pamilya ni Mayor Joni na matulungan si Charles na maipagpatuloy ang kanyang natigil na pag-aaral.
Pangarap ni Charles Sena na maging pulis. Gusto raw sana niyang maging tagapagpatupad ng batas. Pero nahinto siya sa pag-aaral mula pa noong isang taon dahil sa pagdating ng pandemya. Grade 11 na sana siya sa school year 2020-2021.
Kasama si Charles sa libo-libong kabataan na tumigil sa pag- aaral dahil wala silang kakayahang makabili ng tablet, computer, laptop o cellphone na magagamit nila sa online learning na ipinatupad ng Department of Education. Problema rin nila ang pambayad sa internet. Hindi kasi madaling mairaos ang mga ito dahil sa hirap ng buhay.
Ayaw man daw huminto ni Charles sa pag-aaral, wala naman siyang mapagpipilian. Madalas din kasing kinakapos ang kanyang pamilya.
Hindi raw pirmihan ang trabaho ng kanyang ama bilang delivery rider sa Lalamove. Kasambahay naman sa Makati ang kanyang ina. Pinagkakasya na lang daw nila ang maliit na kinikita para sa pang-araw-araw na gastos ng pamilya.
Kaya naman laking pasasalamat ni Charles nang isa siya sa mapiling beneficiary ng Dear Mayor Joni. Nakatanggap si Charles ng tablet, financial assistance at bigas mula kay Senator Joel Villanueva .
“Maraming Salamat po. Malaking tulong ito para makapag-aral ako,” masayang sinabi ni Charles.
Naniniwala sina Senator Joel Villanueva at Pastor Jovi Villanueva-Binalla na kahit wala na ang kapatid nilang si Mayor Joni, maaari pa rin nilang mapanatiling buhay ang pamanang iniwan niya sa bayan ng Bocaue- taos pusong pagmamahal, walang tigil na paglilingkod sa bayan at tunay na pagmamalasakit sa kapwa.
Screengrab from Dear Mayor Joni Episode 2