Nasa 27 katao na nagsasagawa ng illegal gambling, arestado sa sunod-sunod na operasyon ng Bulacan Police
Ian Lopez May 31, 2021 at 01:01 PMNasakote ng Bulacan Police ang nasa 27 indibidwal na naaktuhang nagsasagawa ng iligal na pagsusugal noong May 30.
Ayon kay Police Colonel Lawrence Cajipe, Provincial Director ng Bulacan Police, kaliwa’t kanang operasyon ang kanilang isinasagawa kontra illegal gambling na talamak daw ngayong pandemya.
Ginalugad ng mga operatiba ang mga bayan ng Bocaue, Hagonoy, Meycauayan at San Jose del Monte City na nagresulta sa pag-aresto sa 27 katao
Sa mga Barangay Buga at Sta.Elena pa lamang sa Hagonoy, 10 indibidwal na ang naaresto. Naaktuhan ang mga ito na tumataya at nanonood ng online sabong. Nakuha ng Bulacan PNP ang isang cellphone na ginagamit sa panonood at bet money.
Sa ngayon 2 kumpanya pa lamang ang pinahihintulutan ng PAGCOR sa operasyon ng online sabong: Ang Lucky 8 Starquest ni Atong Ang at ang Belvedere ni Bong Pineda.
Bagamat pinahihintulutan mahigpit namang ipinagbabawal ang pagkukumpulan o pagtitipon sa mga nanonood o tumataya sa online sabong.
Samantala, 17 katao naman ang huli sa akto na nagsasagawa ng sabong sa mga lugar ng Bocaue, Hagonoy at San Jose del Monte kung saan mahigit sa tatlong libong piso ang narekober ng mga otoridad kabilang na ang mga manok panabong at mga tari.
Isa ang pagsugpo sa illegal gambling sa tinututukan ngayon ng PNP sa atas na rin ni PNP Chief Guillermo Eleazar.
Photo courtesy of Bulacan Police Provincial Office