Natatanging Dangal ng Lipi iginawad kay dating Kalihim Toots Ople
Mon Lazaro September 15, 2023 at 07:47 AMLUNGSOD NG MALOLOS – Iginawad kay dating Department of Migrant Workers Secretary Susana “Toots” Ople ang parangal na Natatanging Dangal ng Lipi sa ginanap na Gawad Dangal ng Lipi 2023 nitong nakaraang araw ng Miyerkules sa The Pavilion sa Hiyas ng Bulacan Convention Center sa lungsod na ito.
Ang nasabing parangal ay ang pinakamataas na iginagawad sa mga Bulakeño dahil sa pambihirang ambag nila sa sambayanan.
Tinanggap ng kanyang anak na si Estelle Ople Osorio ang parangal para sa yumaong kalihim bilang pagkilala sa pamana ng kanyang ina na mapanagutang serbisyo at walang sawang suporta na kanyang ibinigay habang siya ay nabubuhay.
Nagpasalamat naman si Osorio sa parangal na iginawad sa kanyang yumaong ina ng Pamahalaang Panlalawigan ng Bulacan.
Aniya, “Sobrang laking karangalan po para sa aming pamilya ang parangal na ito. Sana she was here to witness this and receive the award herself. Siyempre, gustuhin sana natin na nalaman niya habang buhay siya na pinaparangalan siya nang ganito pero pakiramdam ko, masaya ‘yung kaluluwa niya in heaven dahil napakalaking karangalan na mapili sa lahat ng nabigyan ng award at siya ‘yung napili.”
Bukod sa dating kalihim ay ginawaran rin ng parangal sina Dr. Hermogenes M. Paguia ng San Ildefonso (Agrikultura); Dr. Maria Natalia R. Dimaano ng Obando (Agham at Teknolohiya); Dr. Marwin M. dela Cruz ng Calumpit at Dr. Jaime P. Pulumbarit ng Lungsod ng Malolos (Edukasyon); Dr. Benigno C. Valdez ng San Ildefonso (Bulakenyo Expatriate); Dr. Bernardita C. Navarro ng Pulilan (Pangkalusugan); Angelica “Angie” C. Ferro ng Lungsod ng San Jose Del Monte (Sining at Kultura); Tristaniel D. Las Marias ng Lungsod ng Baliwag (Pangangalakal at Industriya); Ronnie M. Mendoza ng Marilao (Entrepreneur); Fr. Domingo M. Salonga ng Bulakan (Paglilingkod Pampamayanan); Hukom Maria Bernardita J. Santos ng Lungsod ng Baliwag (Propesyunal); Yuka Saso ng San Ildefonso (Isports) at Mahistrado Lorifel L. Pahimna ng Hagonoy (Paglilingkod Bayan).
Sinabi naman ni Bise Gob. Alexis C. Castro na, “Sa gabing ito ay bibigyan natin ng saysay ang mga tagumpay ng ating mga paparangalan, tagumpay na kanilang natamo na ang tanging puhunan ay pawis, sakripisyo, misyon, pangarap at dedikasyon upang maiangat hindi lamang ang kanilang sarili kundi ang kapakanan ng kanilang kapwa Bulakenyo.”
Photo: Provincial Public Affairs Office