P1.6M halaga ng shabu nakumpiska sa Bataan at Nueva Ecija; 8 suspek arestado
Mon Lazaro May 19, 2025 at 08:37 PM
CAMP OLIVAS, Pampanga — Walong indibidwal ang naaresto sa magkakahiwalay na operasyon kontra ilegal na droga sa mga lalawigan ng Bataan at Nueva Ecija noong Mayo 18 at 19, kung saan nakumpiska ang mahigit P1.6 milyong halaga ng hinihinalang shabu.
Sa Balanga City, Bataan, anim na suspek na kinilalang sina alyas Ariel, May, Aira, Aerol, Ron, at Allan ang naaresto sa isang buy-bust operation na isinagawa ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) Bataan at ng Station Drug Enforcement Unit ng Balanga City Police Station sa Barangay Cataning noong Mayo 18 bandang 3:50 ng hapon. Nakumpiska mula sa kanila ang limang sachet ng hinihinalang shabu na tumitimbang ng tinatayang 110 gramo na may halagang P748,000.
Samantala, sa Cabanatuan City, Nueva Ecija, isang buy-bust operation ang isinagawa ng Cabanatuan City Police Station sa Barangay Padre Crisostomo, na nagresulta sa pagkakaaresto kay alyas Orly. Nakumpiska mula sa kanya ang 70.20 gramo ng hinihinalang shabu na nagkakahalaga ng P477,360.
Noong Mayo 19 bandang 7:40 ng umaga, sa Barangay Gugo, Samal, Bataan, naaresto si alyas Harry, isang high-value individual, sa isinagawang operasyon ng Samal Municipal Police Station, Provincial Intelligence Unit-Bataan, 1st Provincial Mobile Force Company, at Provincial Drug Enforcement Unit. Nasamsam mula sa kanya ang 56 gramo ng hinihinalang shabu na nagkakahalaga ng P380,800, isang .38 caliber revolver na may apat na bala, at P1,000 marked money.
Ayon kay Brig. Gen. Jean Fajardo, regional director ng Police Regional Office 3, “Ang tagumpay ng mga operasyong ito ay bunga ng walang sawang pagtutulungan ng ating mga law enforcement agencies. Patuloy nating isusulong ang kampanya kontra ilegal na droga alinsunod sa direktiba ng ating Chief PNP, Gen. Rommel Francisco Marbil para sa mas ligtas, mas malinis, at mas maayos na lipunan para sa bawat Pilipino. Buo ang ating paninindigan na gawing drug-free ang buong Gitnang Luzon sa pamamagitan ng agresibo at epektibong mga operasyon laban sa mga sindikato ng droga.”
📷 Regional Police Office lll