P1.93B kontribusyon sa sampung sangay ng SSS hindi naihulog ng mga employer
Mon Lazaro May 31, 2023 at 04:11 PMMay kabuuang P1.93 bilyon ng kontribusyon para sa Social Security System(SSS) ang hindi nabayaran ng mga employers sa sampung sangay nito sa Gitnang Luzon.
Kinumpirma ito ni Cheline Lea Nabong, acting branch head ng SSS sa Lungsod ng Baliwag, sa isinagawang press conference para sa kampanya ng ahensya na “Run After Contributions Evaders (RACE)” sa Baliwag, nitong Huwebes.
Ang mga sangay ng SSS na nakapaloob sa Luzon Central 2 Division ay kinabibilangan ng Baliwag City, Bocaue, Malolos City, Meycauyan City, Santa Maria, at City of San Jose del Monte sa lalawigan ng Bulacan. Kasama rin ang mga Lungsod ng Angeles, Dau at San Fernando sa Pampanga, at Olongapo City sa Zambales.
Base sa talaan ng SSS, ang nasabing sampung sangay nito sa Gitnang Luzon ay mayroong 46,619 employers na may kabuuang bilang ng empleyado na umaabot sa 751,072.
Umabot naman sa 29,985 ang bilang ng mga employers sa mga nasabing sangay ng SSS ang tinawag na delingkwente o hindi regular na nakakahulog ng mga kontribusyon para sa kanilang mga empleyado na aabot ang kabuuang halaga na P1.93 bilyon.
Samantala, nagsagawa naman ang grupo ni Nabong ng pagbisita sa mga employer sa mga lugar ng Bustos, Plaridel, Pulilan at sa Lungsod ng Baliwag nitong nakaraang araw ng Huwebes para ipaliwananag ang kampanyang RACE ng kanilang ahensya.
Target ng nasabing kampanya na hikayatin sila na bayaran na lamang ang principal na kontribusyon at hindi na pababayaran ang penalties sa ilalim ng Contribution Penalty Condonation, Deliquency Management and Restructuring Program o CPCoDe MRP.
Samantala, nitong araw ng Biyernes ay sinuyod naman ng SSS ang ilan sa mga employers na hindi nakakapaghulog ng kontribusyon sa Lungsod ng San Jose del Monte, Bulacan.
Pinangunahan ito ni SSS-Olongapo Branch Head Marites Dalope na kumatawan sa SSS Luzon Central 2 Division.
Ipinaliwanag naman ni Ronald de Guzman, corporate executive officer II ng Accounts Management Section ng SSS-San Jose Del Monte na inisyal pa lamang ito sa 1,475 na deliquent employers na sisingilin ng SSS kung saan nakasalalay ang benepisyo ng nasa 6,206 na mga empleyado.