P39-M halaga ng high-grade marijuana nakumpiska sa Balagtas
Mon Lazaro November 22, 2024 at 05:15 PMCAMP OLIVAS, Pampanga – Nasamsam ng mga awtoridad ang humigit-kumulang 26 kilo ng “kush” o high-grade marijuana na nagkakahalaga ng P39 milyon sa Balagtas, Bulacan noong Miyerkules, Nobyembre 20.
Ayon sa ulat na ipinarating kay Brig. Gen. Redrico Maranan, regional police director ng Central Luzon, ang mga nasabing kontrabando ay natuklasan sa isang kahina-hinalang kargamento na ipinadala sa isang bahay sa nasabing bayan. Ang nakalistang recipient ng kargamento ay isang drug suspect na kasalukuyang nakapiit.
Ang kargamento, na pinadala ng isang indibidwal na may alias na “Paul” mula sa Toronto, Canada, ay naihatid ng isang delivery service. Tinanggap ito ng bayaw ng nakakulong na suspect.
Pinaghinalaan ng kapatid ng nakakulong na drug suspect ang laman ng kahon, kaya agad niyang inireport ang insidente sa Balagtas Municipal Police Station.
Agad na kumilos ang mga tauhan ng Balagtas Police Station, katuwang ang isang barangay kagawad, kinatawan mula sa Department of Justice, at media representatives upang beripikahin ang ulat.
Sa isinagawang inspeksyon, natuklasan sa loob ng kahon ang 52 selyadong plastic na naglalaman ng hinihinalang high-grade marijuana. Ang mga ito ay tumitimbang ng tinatayang 26 kilo at may kabuuang halaga na P39 milyon. Agad itong kinumpiska ng mga awtoridad.
Patuloy ang imbestigasyon ng mga awtoridad para matukoy ang iba pang posibleng sangkot sa operasyon at kung gaano kalawak ang saklaw ng mastermind, na hinihinalang bahagi ng isang international drug syndicate.
Ayon kay Maranan, “Ang pagkakatuklas na ito ay patunay ng ating patuloy na laban kontra droga sa rehiyon. Pinapalakas natin ang ugnayan sa mga komunidad upang mapigilan ang anumang gawain na may kaugnayan sa ilegal na droga.”
Dagdag pa niya, “Ang tagumpay na ito ay hindi lamang tagumpay ng kapulisan, kundi ng mamamayan laban sa mga krimen.”
Ang pagkakahuli sa malaking kontrabando ay itinuring na malaking tagumpay sa kampanya kontra ilegal na droga sa Gitnang Luzon.
📷 Regional Police Office 3