| Contact Us

Pabahay para sa mga Bocaueño

Jose Leoncio June 1, 2023 at 07:59 PM

Pirmado na nina Mayor Jonjon Villanueva at Department of Human Settlement and Urban Development (DHSUD) ang itatayong low cost housing sa bayan ng Bocaue.

Sa isang seremonyang ginanap sa municipal covered court sa Bocaue nitong May 30, nilagdaan nina Mayor Villanueva at DHSUD Assistant Secretary Krizzy de Leon ang Memorandum of Agreement para sa Pambansang Pabahay para sa Pilipino Housing Program ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. Si Asec. De Leon ang nagsilbing kinatawan ni DHSUD Secretary Jose Rizalino Acuzar.

Ayon sa pahayag ng Punong Bayan, itatayo sa Barangay Batia ang isang condominium type na gusali na may limang palapag. Naglalayon itong maging tahanan ng humigit kumulang 4,000 na pamilyang Bocaueño. Bibigyan ng prayoridad ang mga informal settlers na nakatira sa mga binabahang lugar, malapit sa ilog at iba pang maituturing na delikadong lugar.

Noong March 21 ay nakipagpulong si Mayor Villanueva sa mga kinatawan ng DHSUD sa pangunguna ni Asec. Krizzy de Leon at Regional Director Julius Encisco para pag-usapan ang planong pabahay para sa mga mahihirap. Iniulat pa ni Mayor Villanueva sa isang Facebook post na positibo ang naging resulta ng kaniyang pakikipag-usap sa DHSUD. Ang DHSUD ang ahensya ng gobyerno na nangangasiwa sa plano, polisiya at regulasyon sa programang pabahay.

Ikinatuwa naman ng alkalde na unti-unti nang natutupad ang mga pangarap niya para sa kanyang mga kababayan.

“Masayang masaya naman si Mayor JJV dahil sa araw na ito nagsimula na ang paghakbang tungo sa katuparan ng pangarap ng mga Bocaueño na magkaroon ng sariling tahanan,” ayon sa kanyang pahayag.

Photo: Mayor Jonjon Villanueva FB

Array
1 2 3 4 5 6 7 8 9 10 11 59 Last