Pabahay sa iba’t ibang lugar sa Bulacan sinimulan na
Randylyn Laurio April 22, 2023 at 05:19 PMPinangunahan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang inagurasyon ng Pambansang Pabahay Para sa Pilipino Housing (4PH) sa ilang bayan at siyudad sa lalawigan ng Bulacan.
30,000 na housing unit ang itatayo sa San Jose Del Monte, San Rafael, Pulilan, Malolos, Guiguinto at Pandi, Bulacan. Layunin ng proyektong ito na tugunan ang kakulangan sa pabahay para sa mga mamamayan.
Isa sa programa ng administrasyong Marcos ang pagtatayo ng isang milyong pabahay kada taon. Sa kasalukuyan, nasa 20 lokalidad na ang naaabot ng 4PH program.
“I am wishing for your cooperation and love for your country and community. Continue to be hardworking and diligent because in the end, positive results of our sacrifices will come back to us. Nobody will benefit in this [4PH] program except you,” ayon kay Pangulong Marcos.
1,890 na residential housing unit ang gagawin sa Aria Estate Housing Development sa Barangay Gaya-gaya sa San Jose Del Monte. Sa Barangay Caingin naman sa San Rafael itatayo ang San Rafael Heights na may 3,920 condominium units.
Ang 1,044 na pabahay sa Peñabatan, Pulilan ay itatayo sa Mom’s Ville Homeowners Association Incorporated. Dagdag pa riyan ang Pandi Terraces sa Barangay Bagong Barrio, sa Pandi. Ipapagawa naman sa Guiguinto ang Municipal Government of Guiguinto Employees Housing sa Barangay Sta. Cruz, Guiguinto, at ang Pambansang Pabahay Para sa Maloleño Program sa Barangay Santor, Malolos City.
Source: Philippine Information Agency