Paghahain ng pagkandidato sa 2023 Barangay at SK Elections sinimulan na
Mon Lazaro August 29, 2023 at 02:35 PMLUNGSOD NG MALOLOS — Nagsisimula na sa araw na ito (Agosto 28) ang paghahain ng certificate of candidacy (COC) para sa 2023 Barangay at Sanguniang Kabataan Elections (BSKEs) at ipatutupad din mula ngayon ang Comelec gun ban.
Ayon sa Provincial Election Supervisor ng Bulacan na si Mona Ann Aldana-Campos, ang mga kandidato ay maaaring maghain ng kanilang COC simula 8:00 ng umaga hanggang 5:00 ng hapon sa mga opisina ng kanilang mga election officer maliban sa mga may aprubadong pagbabago ng lugar.
Ayon naman kay Elmo Duque, Comelec assistant regional director ng Central Luzon, may mga itatayo na ring Comelec checkpoints sa bawat munisipalidad at lungsod sa buong rehiyon simula Agosto 28 hanggang Nobyembre 29 ngayong taong kasalukuyan.
Aniya, may mga itatayo ring 24 na oras na checkpoint na maaaring mag-iba ang lugar batay sa desisyon ng composite team (pulis at AFP) para lalong maging epektibo ang mga ito.
Ayon naman Kay Col. Relly Arnedo, Bulacan police director, ang mga checkpoint na itinalaga sa bawat bayan at lungsod ng lalawigan ay isang paraan para masiguro ang kaligtasan at seguridad sa darating na barangay at SK election.
Idinagdag pa ni Arnedo na ang nasabing mga checkpoint ay sinimulang ilatag nitong madaling araw ng Agosto 28 para mapigilan ang mga potensyal na aktibidades ng mga kriminal na maaaring makasira sa integridad ng 2023 BSKE.
Sinabi pa ni Arnedo na, “Our top priority is to guarantee a safe and peaceful election period for all residents in the province of Bulacan. By conducting these simultaneous checkpoints, we aim to create a visible and effective presence of law enforcement, deterring any individuals who may have ill intentions during this critical time.”
Photo: Antonio Anzures