Pagkandidato ni Trillanes sa Caloocan luminaw dahil sa desisyon ng SC sa amnestiya
Reggie Vizmanos April 9, 2024 at 11:15 PM
Tila lalong luminaw ang napapabalitang pagkandidato ni dating Senador Sonny Trillanes sa pagka-alkalde ng lungsod ng Caloocan kasunod ng desisyon ng Korte Suprema na nagpatibay sa validity o bisa ng amnestiyang iginawad sa kaniya noong 2010.
Matatandaang dahil sa kaniyang pamumuno sa tinaguriang 2003 Oakwood mutiny at 2007 Manila Peninsula siege ay sinampahan si noo’y Navy Lt. Senior Grade Trillanes ng kasong rebelyon laban sa administrayong Arroyo, at siya ay nakulong.
2007 ay nanalong senador si Trillanes, at noong 2010 ay ginawaran siya ni Pangulong Noynoy Aquino ng amnestiya sa kasong rebelyon sa pamamagitan ng Proclamation Number 75.
2018 ay idineklara ni Pangulong Duterte na walang bisa ang amnestiya at iniutos niya na ikulong muli si Trillanes.
Nitong Abril 3, 2024 ay idineklara ng Korte Suprema na valid o may bisa ang amnestiya kay Trillanes at idineklara rin nito na unconstitutional ang utos ni Duterte.
Ayon kay Trillanes, pinag-aaralan niya ngayon kung ano ang gagawin niyang hakbang bilang tugon sa pagbalewala ni dating Pangulong Duterte sa kaniyang amnestiya.
Samantala, sa patuloy namang pag-iikot ni Trillanes sa mga barangay sa Caloocan ay ipinagpapasalamat niya ang mainit na pagsalubong at pagtanggap sa kaniya ng mga residente na nagpapahayag din ng pagsuporta sa kaniyang pagkandidato bilang mayor ng lungsod.
Sa Facebook post ng netizen na si Gerardo Dedicatoria na may petsang April 7, 2024 ay makikita ang pagkukumpulan ng mga tao na sumalubong sa pagbisita ni Trillanes sa kanilang lugar sa Barangay Bagong Silang, Phase 7.
📹: Gerardo Dedicatoria