Pagkontrol sa pagbabaha sa Bulacan tinututukan ng mga lokal na opisyal
Mike Manalaysay September 11, 2022 at 02:13 PM
Kasalukuyang isinasagawa ang flood control project ng provincial government at iba’t ibang lokal na pamahalaan. Layunin ng mga proyekto na makontrol ang pagbabaha sa kanilang lugar.
Ininspeksyon nina Governor Daniel Fernando at Vice Governor Alex Castro ang isinasagawang dredging sa Hagonoy river. Ayon sa gobernador, ang dredging ay pansamantala pero epektibong solusyon para makontrol ang pagbabaha sa lalawigan ng Bulacan.
Dagdag pa niya, ang paglalagay ng dike ang permanenteng solusyon sa pagbaha pero hanggat hindi pa raw ito nasisimulan dredging muna ang kanilang ginagawa para maibsan ang hirap na nararanasan ng mga Bulakenyo.
Noong September 3 naman, ininspeksyon ni Bocaue Mayor Jonjon Villanueva ang water pumping station sa Barangay Lolomboy, Bocaue. Ayon sa alkalde, gusto niyang masigurong maayos ang kalagayan ng pumping station para hindi magkaroon ng aberya kapag malakas ang ulan. Proyekto ni Senator Joel Villanueva at ng namayapang si Mayor Joni Villanueva ang naturang pumping station.
Kasama ni Mayor Jonjon Villanueva sa pagpunta doon sina 5th District Congressman Ambrosio “Boy” Cruz at Guiguinto Mayor Agatha “Agay” Cruz. Nais ng mag-amang Cruz na makita at mapag-aralan ang pumping station sa Bocaue dahil plano rin nilang magpatayo nito sa kanilang nasasakupan.
Ipinapatupad na rin nina Mayor Villanueva at Mayor Cruz ang paglilinis ng mga drainage at paghuhukay ng mga dinadaanan ng tubig sa kani-kanilang bayan.
Abala rin si 1st District Congressman Danny Domingo sa kanyang flood control project. Kamakailan lang ay nakipagpulong pa siya kay House Speaker Martin Romualdez para hilingin na pondohan ng national government ang pagpapagawa ng mga dike, flood gate at pumping station para mabawasan at makontrol ang pagbabaha sa unang distrito.
Ipinahukay na rin ng kongresista ang mga sapa sa Barangay Pinagbakahan, Barangay Bulihan at Barangay Mojon. Tinanggal doon ang mga nakabarang lupa, damo at basura.
Photo: Mayor Agatha “Agay” Cruz Fb