Paglulunsad ng regional ICT Month ginanap sa Bulacan State University
Mon Lazaro June 5, 2023 at 06:36 PMLUNGSOD NG MALOLOS — Inilunsad ang pang-rehiyong pagdiriwang ng 2023 National Information and Communications Technology (ICT) month ngayong buwan ng Hunyo sa Valencia Hall ng Bulacan State University.
Hinikayat ni Department of Information and Communications Technology (DICT) Regional 3 Director Antonio Edward Padre ang publiko na maging pamilyar sa makabagong teknolohiya sa pamamagitan ng paggamit ng eGov PH Super App kung saan matatagpuan ang pinagsama-samang serbisyo ng pamahalaan.
Libreng madodownload ang app sa Google Play Store (para sa Android) at Apple Store (para sa IOS) pero para ma-acess ang mga feature nito ay kailangang i-authenticate o i-validate ang account sa pamamagitan ng Philippine Identification System ID.
Kabilang sa Phase 1 nito ang ang National Digital ID, National Government Services, Tourism at eTravel, Electronic Payments (eGovPay) at Banking Services, eReceipt, eLGU, Jobs and Manpower (eJobs), Philippine Startup Empowerment Program, Philippine Investment Program, SIM Card Registration, at People’s Feedback Mechanism (eReport).
Tiniyak ni Padre na sumailalim sa istriktong preliminary audit ang app mula sa resident cybersecurity experts ng ahensya.
Katuwang ng DICT sa nasabing app ang mga ahensya ng pamahalaan tulad ng Department of Trade and Industry, Department of the Interior and Local Government, Department of Tourism, LandBank of the Philippines, Government Service Insurance System, Social Security System, Mindanao Development Authority, pamahalaang panlalawigan ng Isabela, Philippine Health Insurance Corporation, at Land Transportation Office.
Photo: Shane Frias Velasco