| Contact Us

Pagtaas ng tubig sa coastal barangay ng Malolos pinangangambahan

Mon Lazaro July 5, 2023 at 07:49 PM

Nangangamba ang mga residenteng naninirahan sa mga coastal barangay ng lungsod ng Malolos na kalaunan ay mawalan sila ng pagkakakitaan dahil sa patuloy na pagtaas ng tubig sa Manila Bay.

Ayon kay Barangay Captain Abon Pinto ng Barangay Namayan, pinangangambahan ng kanyang mga kabarangay na ang pagtaas ng tubig sa kanilang barangay ay dulot ng isinasagawang reklamasyon para sa ginagawang international airport sa coastal area ng karatig bayan ng Bulakan.

Ayon pa sa mga residente, dati-rati ay hindi binabaha ang kanilang lugar kapag high tide ngunit ngayon ay lumulubog na kapag high tide.

Bukod dito, naghihinagpis din ang mga may-ari ng baklad na pinaalis malapit sa ginagawang airport dahil sinuklian lamang sila ng San Miguel Corporation, ang kumpanya na nagpapagawa ng airport. Presyo lang daw ng mga materyales ng kanilang baklad na nagkakahalaga ng P30,000 ang ibinigay sa kanila kapalit ng pagtatanggal ng kanilang hanapbuhay sa dagat malapit sa reclamation site. Pero nagresulta anila ito sa pagkawala ng kanilang regular na pagkakakitaan.

Sinabi pa ni Kapitan Abon na nananawagan sa SMC ang mga residente ng mga coastal barangay na malapit sa nasabing airport na matulungan sila sa naging epekto sa kanilang kapaligiran dulot ng konstraksyon ng nasabing paliparan.

Samantala, nitong nakaraang araw ng Lunes, nagbigay ng ayuda ang Pamahalaang Lungsod ng Malolos sa mga mangingisdang Malolenyo na naapektuhan ng mga ginagawang Aeroprojects sa lalawigan.

Pinagkalooban ni Punong Lungsod Abgdo. Christian Natividad ang 42 mangingisda mula sa Brgy. Pamarawan at Brgy. Namayan ng halagang P10,000 bilang ayuda. .

Ayon kay Mayor Christian, bagama’t hindi gaanong malaki ang halagang ito, magagamit ito ng mga mangingisda upang makapagsimula ulit at maipagpatuloy ang kanilang hanapbuhay na lubhang naapektuhan at maapektuhan sa mga napipintong proyekto ng Pamahalaang Nasyonal.

Sa panayam kay City Administrator Joel Eugenio, dumaan sa mahabang proseso ng pagpili ang lahat ng mga mangingisda na tumanggap ng ayuda.

Sa mga darating na mga araw ay inaasahan naman na mabibigyan din ng ayuda ang iba pang mangingisda sa ibang coastal barangay ng Malolos.

Photo: Brgy. Capt. Abon Pinto at Malolos CIO

Array
Facebook Notice for EU! You need to login to view and post FB Comments!
1 2 3 4 5 6 7 8 9 10 11 59 Last