Pahayag ng Central Luzon PNP tungkol sa bomb threats
Mon Lazaro February 13, 2024 at 10:35 PM
đź“·: Police Regional Office 3 FB
“Wala pong katotohanan ang mga kumakalat na balita, partikular sa social media hinggil sa di-umano’y Bomb Threats dito sa ating rehiyon,” ito ang naging pahayag ni Brig. Gen. Jose Hidalgo Jr., regional police director ng Gitnang Luzon
Pero kahit wala pa raw silang natatanggap na ulat tungkol sa ganitong klase ng insidente, inatasan na niya ang mga hepe ng pulisya sa buong rehiyon na mag-imbestiga.
“Sa atin pong mga mamamayan, lalung-lalo na dito sa Gitnang Luzon, ako po ay nakikiusap sa inyo na huwag po tayong maniniwala agad sa mga kumakalat na balita at huwag na din po natin itong ikalat upang maiwasan ang takot o pangamba sa ating mga kababayan,” pakiusap pa ni Hidalgo.
Binigyang diin din niya na patuloy ang pagbabantay ng pulisya para masiguro ang kaligtasan at seguridad ng mga komunidad.
“Kung may nalalaman po kayong anumang impormasyon hinggil sa anumang insidente at krimen, mangyaring ipagbigay- alam sa pinakamalapit na himpilan ng pulis o maaaring tumawag sa PNP Hotline 09176235700 at Emergency hotline 911,” aniya.
Idinagdag pa niya na, “Pinaaalalahan po ang lahat na ang pagkakalat ng mga maling impormasyon ay may karampatang kaparusahan na Prision Correccional o anim na taon hanggang sampung taong pagkakakulong sa ilalim ng Presidential Decree No. 90 at ang pagdulot ng takot sa ating publiko sa pamamagitan ng mga Bomb Threats ay may karampatang kaparusahan na limang taong pagkakakulong sa ilalim ng Presidential Decree No. 1727 o Anti-Bomb Joke Law, kung kaya’t binabalaan natin ang mga taong nagkakalat nito sa maaari ninyong kahinatnan.”