Palakasin ang farmers coop para mapababa ang presyo ng bigas
Mon Lazaro August 26, 2023 at 10:09 AMINTERCITY INDUSTRIAL ESTATE, Balagtas, Bulacan– Isinusulong ni Cong. Ambrosio “Boy” Cruz ng ika-5 Distrito ng Bulacan na palakasin ang mga farmers cooperative sa bansa para mapababa ang presyo ng bigas sa lokal na merkado.
Ipinaliwanag ni Cruz na tulad ng mga bansang Vietnam, Thailand, Japan at Korea na may matatatag na kooperatiba ng mga magsasaka na siyang nagsisilbing forefront mula sa produksyon, warehousing at marketing ng bigas.
Dapat aniya na magkaroon ng farmers cooperative sa mga probinsiya, bayan o lungsod at kung maari ay sa mga barangay sa ating bansa.
Paliwanag pa ni Cruz, kung magkakaroon ng model farmers cooperative mula sa ilang mga probinsya at maayos ang daloy nito ay maari na itong gawin sa iba pa nating mga probinsya.
Sa gitna nito ay kailangan na magkaroon ng isang polisiya na poprotekta sa mga magsasaka para hindi naman ito maabuso gaya ng ilang anomalya na kinasangkutan ng mga kooperatiba gaya ng fertilizer fund scam.
Sinabi rin niya na dapat na ring mawala ang mga middleman na siyang nagiging sanhi ng pagtaas ng presyo ng bigas na minsan ay mas malaki pa ang kinikita kaysa sa mga magsasaka.
Kailangan aniya na ang institusyon na mismo at istraktura ang mabago.
Photo: Mon Lazaro