PalengQR.PH Plus, pinalakas ang digital payments sa mga palengke at TODA sa Malolos
Angelo Calixtro March 5, 2026 at 01:38 PM
MALOLOS CITY, Bulacan — Isang hakbang patungo sa mas modernong sistema ng pagbabayad ang isinagawa sa Lungsod ng Malolos sa paglulunsad ng PalengQR.PH Plus Program nitong Marso 4, 2026 sa New Malolos City Hall Lobby.
Pinangunahan ng Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) ang inisyatiba katuwang ang Pamahalaang Lungsod ng Malolos, Department of the Interior and Local Government (DILG), at GCash, na layong palawakin ang paggamit ng cashless o QR-based payments sa mga pampublikong pamilihan at sa hanay ng mga tricycle operators at drivers associations (TODA).
Ayon sa BSP, ang PalengQR.PH Plus ay bahagi ng mas malawak na adbokasiya ng bangko sentral na maisulong ang digital financial inclusion, lalo na para sa maliliit na negosyante at mga tsuper ng pampublikong sasakyan. Sa pamamagitan ng QR code payments, inaasahang magiging mas mabilis, mas episyente, at mas ligtas ang mga transaksyon sa araw-araw.
Hinikayat ni Abgdo. Olivia B. Cornejo-Mallari, Area Director ng BSP Cabanatuan Branch, ang mga negosyante at miyembro ng TODA sa Malolos na makiisa sa digitalization efforts ng pamahalaan.
“Sana kayo po ay aming makasama sa digitalization dito sa Malolos, dahil ang Malolos is not just a Capital of Bulacan, Malolos is a SMART City na po,” ani Cornejo-Mallari.
Nagpahayag din ng suporta ang pangulo ng JODA-Robinson Route na si Romeo Adriano, na naniniwalang makatutulong ang QR payments upang maiwasan ang hindi pagkakaunawaan sa pamasahe.
“Sa pamamagitan po ng QR malalaman po namin kung bayad na po. Sakto na po kasi ang ibabayad nila, mas ligtas pa,” pahayag niya, sabay banggit na may mga pagkakataong nagkakaroon ng pagtatalo ukol sa sukli o bayad.
Sa ilalim ng programa, binibigyan ng pagkakataon ang mga vendor at tsuper na magparehistro at magkaroon ng sariling QR code na maaaring gamitin sa pagtanggap ng bayad mula sa mga mamimili at pasahero gamit ang kani-kanilang e-wallet o mobile banking applications.
Inaasahan ng mga katuwang na ahensya na sa patuloy na paglawak ng digital payments sa Malolos, mas mapapalakas ang lokal na ekonomiya at mas mapapadali ang araw-araw na transaksyon ng mga Maloleño.
📷 Malolos City Information Office