Pamumuno at paglilingkod ni Bocaue Councilor Jerome Reyes
Mike Manalaysay April 1, 2023 at 01:45 PM
Inabutan ng Arkipelago News Bulacan si Bocaue Councilor Jerome Reyes na abala sa paghahanda sa kanyang nalalapit na proyektong “Libreng Pustiso at Libreng Bunot para sa mga Bocaueño.” Isasagawa ito sa municipal covered court sa Barangay Igulot, sa April 2 at 9. Bukas ito para sa mga may edad na 59 years old pababa. Pero dahil sa dami ng nangangailangan mabilis ding napuno ang mga slot. May kasunod pa naman daw ito kaya pwede pang sumali ang iba.
“Ginagawa ko ang project na ito hanggang ngayon dahil nakita ko na marami sa ating mga kababayan ang hirap sa buhay at walang kakayahang magpadentista o magpagawa ng pustiso dahil may kamahalan. Kaya naghanap ako ng paraan kung paano makakatulong sa kanila. Naging katuwang ko sa proyekto ang Alvarez Foundation Inc. kaya maraming salamat sa kanila. Nagpapasalamat din ako sa suportang ibinibigay nina Mayor Jonjon Villanueva, Vice Mayor Sherwin Tugna at mga kasama kong konsehal,” kuwento ni Konsehal Reyes.
Sino nga ba si Jerome Reyes? Ano ang nagtulak sa kanya para pumasok sa public service?
Si Konsehal Reyes ang ikalawa sa apat na anak nina Jaime Reyes, isang Certified Public Accountant (CPA) at Melita Gumatay-Reyes, na isa ring propesyonal. Nagtapos siya ng elementarya sa Saint Paul College of Bocaue. Scholar si Jerome Reyes nang mag-aral siya ng high school at college sa Mapua Institute of Technology. Dahil sa kanyang tangkad na 6’2 at galing sa paglalaro ng basketball, naging varsity player siya ng Mapua Red Robbins noong high school sa loob ng tatlong taon. Naging star player naman siya ng Mapua Cardinals noong college sa loob ng apat na taon. Napabilang din siya sa Philippine Youth Basketball Team at kasama sa lumaban sa Southeast Asia Basketball Association noong 1996. Naglaro rin siya sa koponang Welcoat sa Philippine Basketball League (PBL) mula 1999 hanggang 2001. Dahil mukha siyang artista, naging commercial model din si Konsehal Reyes at isa sa hindi malilimutang commercial na ginawa niya ang Alaxan FR.
Taong 2007 nang kinausap siya ni Mayor Jonjon Villanueva (JJV) para tumakbo bilang isa sa mga konsehal ng kanyang team.
“Noong mga panahon na ‘yon nasaksihan ko ang kalagayan ng mga kapuspalad naming kababayan. Bilang isang private citizen, may ilang maliliit na proyekto ako para tulungan sila pero alam kong hindi ito sapat. May napanood din akong dokumentaryo tungkol sa mga batang manggagawa sa fireworks industry. Hindi ko ito makalimutan. Gusto ko silang tulungan. Sabi ko mas may magagawa ako kung sakaling maging konsehal ako ng bayan,” aniya.
Nanalo agad siya sa unang sabak niya sa pulitika. Katuwang si Mayor JJV, agad nilang inilunsad ang maraming proyekto para tulungan ang mga mahihirap kasama na ang mga batang nagtatrabaho sa mga pagawaan ng paputok.
“Inuna naming tulungan ang mga minor. Pinabalik namin sila sa pag-aaral at isinama sa mga scholar ni Mayor Jonjon Villanueva. Binigyan namin sila ng ayuda, libreng health services, at marami pang iba. Nagsagawa rin kami ng mga proyektong pangkabuhayan bilang alternatibo sa paggawa ng paputok,” saad ng konsehal.

Ipinatupad din ni Konsehal Reyes ang proyektong libreng operasyon sa katarata mula 2007 hanggang 2013.
“Marami ang nahihirapang makakita dahil sa katarata. Karamihan sa kanila ay may edad na 60 years old pataas. Masaya ako noon kapag dinadalaw ako ng mga naoperahan at sinasabi na maayos na raw ang paningin nila,” paliwanag ni Reyes.
Ayon sa mga Bocaueñong nakapanayam ng Arkipelago News Bulacan, isa si Konsehal Jerome Reyes sa pinakamadaling lapitan sa mga namumuno sa Bocaue. Masarap daw siyang kausap dahil palaging nakangiti. Palagi rin siyang naghahanap ng paraan kung paano makakatulong. Ito raw ang dahilan kung bakit paulit-ulit nilang sinusuportahan si Konsehal Reyes. Natapos niya ang kanyang tatlong termino o siyam na taong panunungkulan noong 2016.
Nagbalik-pulitika si Konsehal Reyes noong 2019 nang manalo siya kasama ni Mayor Joni Villanueva-Tugna. Noong 2022 election, nagwagi rin siya at ang kanyang kaibigang si Mayor Jonjon Villanueva na bumalik sa panunungkulan. Sa kabuuan, limang beses na siyang naihalal bilang konsehal at labingtatlong taon na siyang nagsisilbi sa Bocaue.
Dahil sa kanyang malawak na karanasan bilang konsehal, itinuturing na beterano si Konsehal Reyes pagdating sa paggawa ng mga batas at iba pang trabaho sa konseho. Bilang Chairman ng Commitee on Finance, isa siya sa pinakamasipag at pinakaproduktibong miyembro ng Sangguniang Bayan ng Bocaue.
Kamakailan lang ay nagpasa si Konsehal Reyes ng isang panukalang batas para magkaroon ng training facility ang mga Bocaueñong gustong matuto at magtrabaho sa mga call center.
“Nais din sana nating makatulong sa job creation program ni Mayor JJV. Kung mabibigyan ng tamang training ang mga Bocaueno, mas madali silang makakakuha ng trabaho. Makakatulong tayo na maging mas mabuti ang kanilang buhay,” paliwanag ng konsehal.
Ito rin ang motibasyon ni Konsehal Reyes para tumulong na maisakatuparan ang Seasonal Workers Program ni Mayor Jonjon Villanueva. Nakapaloob sa proyekto ang pagpapadala ng mga worker sa iba’t ibang lugar sa South Korea para magtrabaho sa mga greenhouse facility o mga modernong farm. Makakatanggap sila ng suweldong P80,000 pataas. Nakatakdang umalis ang unang batch sa May 8 ngayong taon.
“Nakikipag-usap na rin si Mayor JJV at ang Bocaue-PESO sa ibang mga city sa South Korea kaya siguradong madaragdagan pa ang mabibigyan ng trabaho sa mga susunod na buwan,” wika ni Reyes.
Nangunguna rin si Konsehal Reyes sa pagsusulong na maipagpatuloy ang pagsasagawa ng taunang Bocaue Olympics, ang sports program ni Mayor Jonjon Villanueva na ipinatupad sa kanyang mga naunang termino. Layunin nitong suportahan, tuklasin at hasain ang talento sa sports ng mga kabataang Bocaueno.
“Sobrang successful ito nang ginawa namin noon ni Mayor JJV. Maraming kabataan ang nahasa sa sports na basketball, volleyball at marami pang iba. Isa ito sa pinakaaabangan noon dahil talagang masaya. Natutuwa rin ang mga magulang dahil imbis na sa masamang bisyo, napunta sa sports ang kanilang mga anak,” saad pa niya.
Bukod pa rito, isinusulong din niya na magkaroon ng Barangay Information System (BIS) sa Bocaue. Sa BIS nakatala ang pangalan, edad, trabaho at iba pang impormasyon tungkol sa mga residente ng Bocaue. Kapag meron nito, madaling malalaman kung sino-sino ang nangangailangan ng tulong, anong klaseng trabaho ang pwedeng ibigay, sino ang dapat bigyan ng scholarship at marami pang iba.?
Hindi lang sa Bocaue kinikilala ang kakayahan at karanasan ni Konsehal Reyes. Inihalal siya ng mga kapwa niya konsehal sa rehiyon para maging Regional Treasurer ng Philippine Councilors League (PCL). Siya rin ang napili bilang Auditor ng PCL-Bulacan chapter. Si Konsehal Reyes din ang Head of Secretariat ng League of Municipalities of the Philippines-Bulacan chapter.
Sa dami ng kanyang trabaho, kumusta naman si Konsehal Jerome Reyes sa kanyang asawang si Joy at sa kanyang dalawang anak na babae na sina Chin at Chesca?
“Mahal na mahal ko ang aking asawa at mga anak. Sinisigurado ko na palagi akong may time para sa kanila. Kahit matagal na kaming mag-asawa ni Joy, regular pa rin kaming nagde-date na parang magboyfriend. Kapag Sabado at Linggo o kapag may okasyon lumalabas kaming mag-anak para mamasyal at kumain,” paliwanag niya.

Masaya na raw si Konsehal Reyes kapag pinapasalamatan siya ng mga taong kanyang natutulungan. Para sa kanya, ang tiwalang ibinibigay ng taong bayan dapat suklian ng taos pusong paglilingkod.
“Narito tayo para tumulong na maging mas maayos ang buhay ng bawat isang Bocaueno. Masarap sa pakiramdam na makapagbigay ng kontribusyon sa pagbabagong gusto nating mangyari. Masayang makatulong at maging bahagi ng solusyon. Ito rin ang nagbibigay sa atin ng dahilan para magtrabaho sa bawat araw,” pagwawakas niya.
Photo: Councilor Jerome Reyes