| Contact Us

Panalo uli ang Bocaue sa Singkaban; Panawagan ng mga nagwagi, bigyan ng prayoridad ang mga manggagawa at magsasaka

Kassandra Mariano January 30, 2023 at 02:19 AM

Muling pinatunayan ng bayan ng Bocaue na sila ang “Home of the Pageant Kings and Beauty Queens” matapos nilang mapanalunang muli ang Hari at Reyna ng Singkaban ngayong taon. Kinoronahan bilang Hari at Reyna ng Singkaban 2023 ang mga Bocaueñong sina Paul Carreon at Althea Franco. Noong 2022 naman, nagwagi rin sina Jordan Jose San Juan at Zeinah Al-Saaby.

Bukod sa kanyang pagkapanalo bilang Hari ng Singkaban, nakamit din ni Paul Carreon ang Best in Kasuotang Filipino dahil sa kaniyang Barong Filipino na idinisenyo ng Bocaueño na si Jeff dela Cruz. Ayon sa Bulacan Tourism Office, nilapatan ng Kadeneta de Bocaue ang isinuot na barong ni Carreon na isa sa ipinamanang sining mula sa Bocaue at kinikilala ng Pinakamataas na Komisyong Pangkultura at Sining sa bansa.

Itinanghal naman na Best in Talent at Photographer’s Choice Award ang Reyna ng Singkaban na si Althea Franco. Sa talent competition naman, ipinamalas ni Althea ang kanyang kahusayan sa pagkanta na parang nasa theatrical play. Gumanap siya bilang isang magandang sirena na may magandang mensahe sa kanyang awitin.

Kaya’t hindi na nakapagtataka ang obserbasyon ng karamihan na may kakayahan ang dalawa na sumali sa mga national at international pageant. Stand out sa kompetisyon at nakakabilib din ang pagsagot nila sa Question and Answer portion (Q and A).

Sa Q and A, hiningi ang kanilang opinyon tungkol sa modernisasyon na nais ipatupad sa lalawigan nang hindi naaapektuhan ang mga lokal na manggagawa lalo na ang mga magsasaka. Ani Carreon, naniniwala siya sa kahalagahan ng research ng mga eksperto. Sinabi niya na pakinggan sana ang opinyon ng mga eksperto sa modernisasyon dahil sila ang dalubhasa sa mga ganitong usapin.

Sa kasagutan naman ni Franco, binigyang diin niya na huwag sanang kalimutan na ang Bulacan ay tahanan ng mga magsasaka. Kaya bigyan daw sana ng prayoridad ang kabuhayan at kapakanan ng mga magsasaka sa mga ipapatupad na programa tungo sa modernisasyon. Sa kasalukuyang sitwasyon aniya, hindi na lamang awiting pambata ang “Magtanim ay ‘di biro”, kundi hinaing ng mga magsasakang nakakaranas ng paghihirap.

Photo: John Mendiola Photography, Mayor Jonjon Villanueva FB

Array
1 2 3 4 5 6 7 8 9 10 11 59 Last