Pinaigting na kampanya laban sa ilegal na droga, pitong suspek arestado sa Bulacan
Mike Manalaysay January 17, 2026 at 07:13 PM
CAMP GEN. ALEJO S. SANTOS — Pitong suspek ang naaresto ng pulisya ng Bulacan sa magkakahiwalay na operasyon kontra ilegal na droga noong Biyernes, Enero 16.
Batay sa ulat na ipinarating sa tanggapan ni PCol. Angel Garcillano, Provincial Director ng Bulacan Police Provincial Office, ang mga operasyon ay ikinasa ng mga Station Drug Enforcement Unit (SDEU) sa mga bayan ng Angat, Pandi, Obando, at sa lungsod ng San Jose del Monte. Nagresulta ang nasabing mga buy-bust operation sa pagkakasamsam ng 15 sachet ng hinihinalang shabu na may tinatayang halaga na ₱30,600, kasama ang mga ginamit na buy-bust money.
Dinala na ang mga naarestong suspek at ang mga nakumpiskang ebidensya sa Bulacan Forensic Unit para sa kaukulang pagsusuri. Inihahanda na rin ang mga kasong paglabag sa Republic Act 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 na isasampa laban sa mga salarin.
Ayon kay Garcillano, ang sunod-sunod na pagkakaarestong ito ay bahagi ng mas pinaigting na direktiba ng pamunuan ng PNP upang mapanatili ang kapayapaan at kaligtasan sa buong lalawigan. Tiniyak ng opisyal na hindi titigil ang pulisya sa kanilang mga operasyon hangga’t hindi nasusugpo ang paglaganap ng ipinagbabawal na gamot sa komunidad.
📷 Bulacan Police Provincial Office FB