PNHS at Municipal Health Office, naglunsad ng Mental Health Seminar at Adolescent Summit
Angelo Calixtro February 25, 2026 at 06:10 PM
MARILAO, Bulacan — Mas pinaigting ang koordinasyon ng sektor ng edukasyon at kalusugan sa serye ng aktibidad na isinagawa sa Prenza National High School noong Pebrero 24 sa covered court ng paaralan.
Pinangasiwaan ng Guidance and Counseling Office ng Prenza National High School (PNHS), katuwang ang Municipal Health Office ng Marilao, ang mga programa bilang bahagi ng patuloy na kampanyang pangkalusugan para sa kabataan.
Sa umaga, isinagawa ang seminar para sa mga mag-aaral ng Grade 9 na may temang “Choosing Life: Understanding Emotions and Seeking Support.” Tinalakay dito ang kahalagahan ng mental health, wastong pag-unawa at pagharap sa emosyon, at ang paghingi ng tulong mula sa mga magulang, guro, at mga propesyonal sa oras ng pangangailangan.
Sa hapon naman, ginanap ang Adolescent Health Summit para sa mga Grade 8 learners na may temang “Healthy Teens, Stronger Marilao: Sama-samang Aksyon para sa Kabataan.” Nakatuon ang talakayan sa pangkalahatang kalusugan ng kabataan, kabilang ang tamang nutrisyon, personal na pangangalaga, at responsableng pagdedesisyon bilang bahagi ng kanilang paghubog.
Dinaluhan ang summit ni Renz Silvestre, Special Assistant for Health, bilang kinatawan ni Mayor Jem Sy. Sa kanyang mensahe, binigyang-diin ang patuloy na suporta ng lokal na pamahalaan sa mga programang naglalayong pangalagaan ang kalusugan at kapakanan ng kabataan.
Layunin ng mga aktibidad na palakasin ang kaalaman at kamalayan ng mga mag-aaral sa usaping pangkalusugan, at hikayatin ang mas bukas na komunikasyon sa pagitan ng kabataan, paaralan, at komunidad.
📷 MarileNews