Presyo ng bigas tumataas
Mon Lazaro June 26, 2023 at 08:43 PM
Tumataas na ang presyo ng bigas dahil sa pag-akyat ng presyo ng palay ngayong halos patapos na ang anihan.
Ayon sa mga negosyante ng bigas sa Intercity Industrial Estate at Golden City Business Park sa bayan ng Bocaue, dalawa sa kilalang rice trading centers ng bansa, ang kasalukuyang presyo ng palay ngayon ay nasa P26-P27 kada kilo depende sa uri at kalidad ng butil kumpara sa P20 hanggang P22 noong buwan ng Marso.
Anila, ang production cost ng palay na nagkakahalaga ng P26 para maging bigas sa 60 percent recovery rate ay pangkaraniwang nagkakahalaga ng P1,993.33 kada 50-kilong sako o katumbas ng P39.87 kada kilo. Samantalang ang P27 kada kilong palay para maging bigas ay mayroong production cost na P2, 070 kada 50-kilong sako o P41.40 kada kilo.

Pangkaraniwan na ang mga wholesale traders ay nagpapatong ng piso kada kilo ng bigas at apat na piso naman per kilo ang idinaragdag kapag nakarating na sa mga retailers o mga nagtitinda ng tingi-tinging bigas sa palengke at iba pang lugar.
Suma total, ang palay na P26 kada kilo ay karaniwang naibebenta sa palengke ng P44.87 per kilo kapag bigas na at ang P27 kilo na palay ay ipinagbibili ng P46.40 kada kilo kapag naging bigas na.

Ayon sa mga negosyante ng bigas, ang presyo ng kanilang kalakal ngayon ay halos P100 ang itinaas ng presyo kada sako o P2:00 kada kilo kumpara noong nakalipas na dalawang lingo.
Photo: Mon Lazaro