Programang Hello Pagkain, Goodbye Gutom ni Sen. Kiko Pangilinan, suportado ni Bocaue Mayor Jonjon Villanueva
Mike Manalaysay April 8, 2025 at 05:16 PM
BOCAUE, Bulacan — Nagpulong ngayong araw, Abril 8, sina Bocaue Mayor Jonjon Villanueva at dating Senador Francis “Kiko” Pangilinan sa tanggapan ng alkalde at pormal na iprinisinta ng senador ang kanyang Programang Hello Pagkain, Goodbye Gutom.
Tinalakay ni Sen. Kiko Pangilinan ang mga programang malaki ang maitutulong sa mga magsasaka, maliliit na negosyante, at kabataan ng Bocaue at buong Bulacan, kabilang na ang kanyang pangunahing adbokasiyang nakatuon sa pagsuporta sa sektor ng agrikultura, food security, at kalusugan ng mga bata—mga layuning kasama rin sa mga programang isinusulong ng lokal na pamahalaan ng Bocaue sa ilalim ng pamumuno ni Mayor Villanueva.
Suporta sa mga Magsasaka
Isa sa sentrong tema ng kanilang pag-uusap ay ang pagpapalakas ng sektor ng agrikultura sa Bocaue at sa buong lalawigan ng Bulacan Ayon kay Sen. Pangilinan, nananatiling mahalaga ang mga magsasaka at mangingisda sa pagtataguyod ng food security sa bansa. Ibinahagi niya ang layuning gawing self-sufficient sa pagkain ang Pilipinas sa pamamagitan ng mga polisiya at programang nagbibigay ng direktang suporta sa mga magsasaka.

Kinilala ni Mayor Villanueva ang halaga ng ganitong mga inisyatibo, lalo’t marami sa mga Bocaueño ay pagsasaka ang pangunahing kabuhayan. Aniya, patuloy sa pagbibigay ang pamahalaang bayan ng mga makinarya, binhi, pataba, at iba pang ayuda para sa mga magsasaka ng kanilang bayan.
Almusal Para sa Kinabukasan
Isinusulong din ni Sen. Kiko ang libreng almusal para sa mga bata mula sa daycare hanggang high school, kung saan 15% ng pagkain ay manggagaling sa ani ng mga lokal na magsasaka. Layunin nitong pagandahin ang kalidad ng nutrisyon ng mga bata habang tinutulungan ang kabuhayan sa kanilang sektor.

Sa Bocaue, kasama rin sa tinutukan ni Mayor Villanueva ang kalusugan ng kabataan sa ilalim ng mas pinalakas na programa. Kabilang dito ang regular na feeding program, pamimigay ng libreng bitamina, at monitoring ng kalusugan ng mga mag-aaral.
Abot-Kayang Bilihin at Tulong sa Maliliit na Negosyante
Isa pang binigyang-diin ni Sen. Pangilinan ay ang pangarap na pababain ang presyo ng bigas at palakasin ang suporta sa mga sari-sari store owners at tricycle drivers. Sila ang mga sektor na higit na nangangailangan ng suporta para makatawid sa hamon ng mataas na bilihin.
Ang pagkakatugma ng mga adbokasiya ni Sen. Pangilinan at ng mga lokal na programa ni Mayor Villanueva ay nagbukas ng pintuan para sa kanilang posibleng pagtutulungan sa mga susunod na buwan.