Proyekto ni Bocaue Councilor Jerome Reyes para sagipin ang mga mata
Mike Manalaysay February 5, 2024 at 07:14 AM
Marami na naman ang natulungan ng makabuluhang proyekto ni Bocaue Councilor Jerome Reyes na “Save ‘R EYES”. Layunin nitong sagipin ang paningin at magpamahagi ng libreng salamin sa kanyang mga kababayan.
Umabot sa 2,000 na estudyante at teacher ng Taal National High School sa Bocaue ang nabigyan ng libreng eye check up nang isagawa ang proyekto nitong January 17, 18, 19, 22 at February 2.
1,659 sa kanila ang pinagkalooban ng libreng eyeglasses.
Ayon kay Reyes, regular niyang isinasagawa ang proyektong ito para matulungan ang mga Bocaueño na may problema sa eyesight.

“Nagbibigay kami ng libreng check up para malaman ng maaga kung ano ang diperensya at nang maagapan lalo na ang mata ng mga kabataan na madalas gumamit ng gadget. Ang mga nangangailangan naman ng eyeglasses ay agad din naming binibigyan ng libreng salamin,” paliwanag ni Reyes.
Ang Save ‘R EYES project ang isa sa pinakaaabangang proyekto ni Konsehal Reyes dahil ayon sa mga benepisyaryo, malaking tulong ito lalo na’t patuloy na tumataas ang halaga ng pagpapakonsulta at salamin sa mata.
“Naiintindihan po natin ang kalagayan ng ating mga kababayan kaya ang mga proyektong ipinapatupad natin ay naglalayong makatulong kahit paano o makabawas sa gastusin ng mga Bocaueño,” aniya.
Bukod pa rito, nagbibigay rin ang konsehal ng libreng opera sa katarata. Kabilang ito sa serbisyong ibinibigay niya sa ilalim ng Save ‘R EYES project na sinimulan noon pang 2008 at mula noon ay libo libo na ang natulungan na maging malinaw ang paningin at nasagip ang mata.
Katuwang ni Konsehal Reyes sa proyekto ang Alvarez Foundation, Bocaue Eye Clinic at ang Dr. Vivian Sarabia Optical Clinic. Malaki rin ang pasasalamat ng konsehal sa tulong at suportang ibinibigay sa kanya nina Bocaue Mayor Jonjon Villanueva, Vice Mayor Sherwin Tugna at mga kapwa niya konsehal.
Makikita ang schedule ng iba’t ibang proyekto ni Konsehal Jerome Reyes sa kanyang Facebook page.
Photo: Konsehal Jerome Reyes FB