Sagip Ilog Project inilunsad sa San Rafael, Bulacan bilang pakikiisa sa World Water Day 2026
Angelo Calixtro March 27, 2026 at 06:42 PM
SAN RAFAEL, Bulacan — Nakiisa ang pamahalaang bayan ng San Rafael, Bulacan sa pagdiriwang ng World Water Day 2026 sa pamamagitan ng paglulunsad ng “Sagip Ilog Project” na naglalayong pangalagaan at linisin ang mga daluyan ng tubig sa kanilang nasasakupan.
Pinangunahan ng Municipal Environment and Natural Resources Office (MENRO) ang isinagawang clean-up drive sa kahabaan ng tabing-ilog mula Barangay Lico hanggang Barangay Poblacion. Katuwang sa aktibidad ang iba’t ibang sektor, kabilang ang mga non-government organizations, mga kawani ng lokal na pamahalaan, at mga boluntaryo mula sa komunidad.
Ayon sa lokal na pamahalaan, layunin ng proyekto na mapataas ang kamalayan ng publiko hinggil sa kahalagahan ng pangangalaga sa mga anyong-tubig, kasabay ng aktibong partisipasyon ng komunidad sa mga programang pangkalikasan.
Bahagi rin ito ng patuloy na pagsisikap ng bayan na mapanatili ang kalinisan ng mga ilog at maiwasan ang polusyon na maaaring makaapekto sa kalusugan at kabuhayan ng mga residente.
📷 San Rafael, Bulacan FB