SALAMAT AT PAALAM BAYANING TAGAPAGLIGTAS
Mike Manalaysay September 27, 2022 at 06:51 PMIto ang paunang salita sa inilabas na mensahe ni Gobernador Daniel Fernando para sa limang miyembro ng Bulacan Rescue na nasawi habang ginagawa ang kanilang tungkulin sa kasagsagan ng Super Typhoon Karding.
“Sa ngalan ng Pamahalaang Panlalawigan ng Bulacan at ng ating mga kababayan, ang inyong abang lingkod ay lubos na nakikiramay sa mga pamilyang naulila ng ating mga magigiting na rescue workers na nasawi habang tumutupad ng tungkuling mailigtas ang ating mga kababayan sa gitna ng hagupit ng bagyong Karding,” ayon sa Gobernador.
Kinilala rin ni Fernando ang katapangan ng mga nasawi.
“Ang pagpupugay na ito ay alay sa kawalang-pagiimbot at katapangan ng ating mga first responders mula sa Provincial Disaster Risk Reduction Management Office (PDRRMO) na sina:
George E. Agustin
Troy Justin P. Agustin
Marby B. Bartolome
Jerson L. Resurrecion
Narciso Calayag Jr.
Sila ay kumakatawan sa lahat ng pinakamabubuting katangian ng tunay na Bulakenyo. Ang kaligtasan ng publiko ay higit sa isang trabaho lamang, ito ay isang panawagan ng paglilingkod. Saludo tayong lahat sa kanilang naging pagtugon sa panawagang iyon– gaano man kalubha ang panganib – sukdulang ikasawi ng kanilang angking buhay— sila ay nanagutan para sa ating kaligtasan,” pahayag ni Governor.
Binigyang diin din ng Gobernador ang kabutihan, kabayanihan at sakripisyong ginawa ng limang nasawi makapagsagip lang ng buhay.
“George, Troy, Marby, Jerson and Narciso… walang hanggang pasasalamat sa inyong di masukat na kabutihan. Ang mga kuwento ng inyong kabayanihan ay paulit-ulit na itatanghal. Sa dakilang sakripisyo at pagpapakasakit na naganap sa araw na ito, Setyembre 26, 2022, ay naiukit ang inyong hindi malilimutang bahagi sa kasaysayan ng ating lalawigan at sa puso ng bawat Bulakenyo.
Maraming salamat, at paalam… Bayaning Tagapagligtas!” ani Fernando.
Photo: Daniel Fernando Fb