Salpukan ng kotse at motorsiklo sa Balagtas 2 patay, 2 sugatan
Mon Lazaro March 18, 2024 at 02:05 PM
BALAGTAS, Bulacan –Dalawang magkaangkas sa motorsiklo ang namatay at dalawang sakay ng kotse ang nasaktan matapos na magbanggaan ang mga ito sa kahabaan ng MacArthur Highway sa bayan ng Balagtas nitong Sabado ng madaling araw.
Base sa ulat ni Police Major Ian Sanchez ng Balagtas Police Station kay Col. Relly Arnedo, Bulacan police director, nakilala ang mga nasawi na sina Ronald Arevalo at Christian Caluag na pawang residente ng bayan ng Santa Maria at ang mga nasaktan ay sina Willard Kent Silverio at ang 10 taong gulang na si Louie Dane Ajose Gatuz na pawang mga residente ng Barangay Burol 1st sa Bayan ng Balagtas.

Ayon sa inisyal na imbestigasyon ng pulisya, binabagtas ng motorsiklo ng mga nasawi, na isang Kymko Visa motorcycle na may plakang 2647 SM na minamaneho ni Arevalo, ang northbound lane ng MacArthur Highway sa Barangay Burol 1st sa bayan ng Balagtas bandang 12:10 ng madaling araw ng mabangga ng kotseng Toyota Corola na may plakang PTM 777 na minamaneho ni Silverio. Nagkabanggaan ang dalawang sasakyan nang magcounterflow ang kotse na nasa southbound lane ng highway.
Matapos ang banggaan ay sumalpok naman ang kotse sa isang stall ng sidewalk, tumagilid ito at biglang nagliyab.
Isinugod ang mga sakay ng motorsiklo at kotse sa Bulacan Medical Center sa Lungsod ng Malolos at idineklarang dead on arrival ang dalawang sakay ng motorsiklo.
Samantala, inilipat naman sa Jose B. Lingad Memorial Hospital sa Lungsod ng San Fernando sa Pampanga ang drayber ng kotse na si Silverio dahil sa tinamo niyang pinsala sa katawan.
📷: Mon Lazaro