Selfie sa baha kapalit ng ayuda: Mayor Lem Faustino binatikos sa “E-Ayuda Raffle”
Paulo Gaborni July 24, 2025 at 11:24 PM
Umani ng matinding batikos si Calumpit, Bulacan Mayor Lem Faustino matapos maging kontrobersyal ang paraan ng pamamahagi ng ayuda sa gitna ng matinding pagbaha sa kanilang bayan. Sa halip na agarang tulong, ginawang pa-raffle sa social media ang ₱500 cash assistance sa ilalim ng programang “E-Ayuda ni Mayor Lem.”
Ayon sa mechanics ng nasabing raffle, hinihikayat ang mga apektadong residente na mag-selfie kasama ang kanilang pamilya habang nasa loob ng binahang bahay. Kailangang i-post ang litrato bilang entry, i-tag ang mga kaibigan, at i-share ang mismong raffle post. Komento ng mga netizen sa page ni Mayor Faustino, malinaw na paghabol ito sa social media engagement. Kaya sa halip na suporta, bumuhos ang pambabatikos mula sa publiko.
Paglapastangan sa Dignidad
Para sa maraming netizen, ang ganitong pamamaraan ay tahasang paglabag sa dignidad ng mga nasalanta—parang kailangang iparada muna ang pagdurusa sa social media bago mapansin at makatanggap ng tulong.

“Nakakaawa yung mga nagsend ng selfie. You can see the desperation para sa tulong na galing rin sa pera nila.” Ayon kay Jay F.
“Sana bigyan nyo naman po ng dignidad yung mga constituents nyo. These are people trying to survive a catastrophe, not circus animals to be paraded for entertainment.” ani David D.
“Sa panahon ng kalamidad, makikilala mo talaga sino ang mga trapo eh.” Saad ni Mikko V.
Nagpahayag din ng pagkadismaya ang manunulat na si Gerry Gracio. Kasama sa pinuna niya ang ₱500 na halaga ng premyo.
“Ang nakakaloka, hindi pa binubura ng Mayor ng Calumpit ang post niyang raffle-paayuda. Tapos ang ayuda pala, ₱500 lang. Pasama nang pasama ang quality ng mga mayor natin. Kailangan din yata ng Calumpit ng bagong accla.”
Depensa ni Mayor Faustino
Sa kabila ng kaliwa’t kanang batikos, ipinaliwanag ni Mayor Faustino na ang “E-Ayuda” ay bahagi ng mas malawak na relief effort ng lokal na pamahalaan. Nilinaw rin niya na naghahatid sila ng ayuda sa bahay ng mga naapektuhan ng kalamidad.
“House-to-house po ang ginawa namin para makapag-abot po ng tulong sa mga kababayan po natin. Ito pong e-ayuda na ito, isa lang po itong pamamaraan para makapag-abot tayo ng tulong.”
Alegasyon ng Exploitation at Insensitivity
Pero marami ang hindi kumbinsido. Ayon sa mga netizen, mistulang ginawang palabas ang pagdurusa ng taumbayan. Exploitation anila ang paggamit ng trahedya para sa social media traction, lalo na’t taon-taon nang suliranin ang pagbaha sa bayan ng Calumpit.
“Catch-basin ang Calumpit, so expected na maraming apektado. Ba’t kailangang i-raffle pa yung ayuda?” komento ni Jerry R.
May paliwanag naman si Mayor tungkol dito.
“Kaya rin po tayo naglalagay ng pictures para makita po natin ang kalagayan ng mga kababayan natin… Ang importante po rito ay’yung bawat isa nagtutulungan…’Yung pamba-bash o paninira ay hindi po natin’yan ie-entertain.”
Inanunsyo rin niya na lahat ng sumali sa raffle at nagpost mula 1:00 pm hanggang 5:00 pm ay makakatanggap ng limandaang piso.
“Lahat po ng nag-post ay bibigyan po natin ng tulong,” paniniguro niya.
Nagmungkahi rin ang ilang netizen ng anila’y mas magandang solusyon sa problema.
“The best way to help is personal na pumunta sa bawat barangay at alamin mga sitwasyon namin… kung ang goal mo is tumulong, walang mechanics na kailangan.” Sabi naman ni Milamel V.
“Kesa ayuda, bakit hindi solusyon sa baha? Flood control o dike ang kailangan.” Saad ni Kcire A.
📷 ADT