Senator Joel Villanueva pinangunahan ang pamimigay ng gamot sa Bocaue
Mon Lazaro December 12, 2024 at 06:11 PM
BOCAUE, Bulacan — Pinangunahan ni Sen. Joel Villanueva ang pamamahagi ng gamot sa 1,280 pasyente sa Mayor Joni Villanueva Sports Complex sa Bocaue nitong araw ng Huwebes, Disyembre 12.
Kabilang sa mga benepisyaryo ay mga pasyenteng may hypertension, diabetes, at chronic kidney disease mula sa mga bayan ng Bocaue, Angat, Balagtas, Bulakan, Hagonoy, Obando, Pandi, Plaridel, at Santa Maria.
Ang pamamahagi ng mga gamot ay pinondohan ng P9 milyong piso mula sa Medical Assistance to Indigent and Financially Incapacitated Patients (MAIFIP) program ng Department of Health.
Ang nasabing gawain ay nagbibigay rin ng mga laboratory procedures at isang buwang suplay ng gamot para sa mga pasyente.
Nagpaabot naman ng pasasalamat si Bocaue Mayor Eduardo “Jonjon” Villanueva sa kanyang kapatid na senador. Malaking tulong aniya ito sa mga Bocaueño lalo na sa mga kapuspalad.
“Natutuwa po tayo at palagi tayong tinutulungan ni Senator Joel Villanueva. Tayo naman po ay hindi rin tumitigil sa pag-iisip ng mga paraan kung paano makakatulong sa ating mga kababayan. Masigasig din po ang pagpapatupad natin ng Programang Pangkalusugan katulad ng libreng konsulta, gamot, vitamins, bakuna, at marami pang iba,” paliwanag ng alkalde.
Kasama ni Senator Joel Villanueva sa pamamahagi ng gamot sina Bocaue Vice Mayor Sherwin Tugna, Obando Mayor Ding Valeda, Department of Budget and Management Central Luzon Director Rosalie Abesamis, at Bulacan Department of Health Head Dr. Emily Paulino.
📷 Office of Sen. Joel Villanueva