Sibuyas Festival itinampok ang Araw ng mga Magsasaka
Mon Lazaro April 9, 2024 at 08:01 PM
BONGABONG, Nueva Ecija — Isinasagawa ang Sibuyas Festival sa bayan na ito mula ika-1 ng Abril hanggang ika-10 ng Abril sa taong kasalukuyan.
Ayon sa Department of Agriculture Central Luzon, idinaos ang Sibuyas Festival ngayong taon sa Bongabon, Nueva Ecija na isang taunang tradisyon, upang ipagdiwang ang kahalagahan ng pagsasaka habang pinapaigting ang pagkakaisa at pagkakaibigan sa komunidad.
Isa sa mga pangunahing aktibidad ng selebrasyon ay ang Araw ng Magsasaka na naganap noong ika-3 ng Abril sa Bongabon Agricultural Trading Center sa Barangay Curva bilang pagbibigay pugay at pagpapahalaga sa mga magsasaka.
Itinampok ang iba’t ibang aktibidad sa pagdiriwang katulad ng raffle at iba’t ibang booth para sa mga inimbitang kumpanyang pang-agrikultura na nagpakita ng kanilang mga produkto na maaring magamit ng mga magsasaka para mas maging masagana ang kanilang mga ani.
Nagbigay rin ng parangal para sa best yielders at livestock farmers bilang pagkilala sa natatanging dedikasyon nila sa larangan ng agrikultura.
Kabilang rin sa selebrasyon ang seminar para sa “Digital Farmers Program: Digital future among Central Luzon Farmers”. Layunin nito na bigyang kakayahan ang mga magsasaka na ibenta ang kanilang mga produkto online, na nagbibigay ng pangmatagalang kaunlaran sa pagsasaka sa rehiyon.
Nag-imbita ng mga panauhin ang mga tagapangasiwa ng selebrasyon at kabilang na rito si DA Central Luzon OIC-Regional Executive Director Dr. Eduardo Lapuz Jr.
Binigyang diin ni Lapuz ang kahalagahan ng pagkakaisa sa mga asosasyon ng mga magsasaka at sinabi niya na bukas ang pamahalaan para sa mga magsasaka at sana ay magkaisa ang mga asosasyon at bumuo ng isang matatag na organisasyon.
Nagbigay rin ng mensahe si DA Special Assistant to the Secretary for Logistics Daniel Alfonso Atayde at ipinaliwanag niya na, “Kapag maunlad ang magsasaka, sapat ang pagkain ng isang bayan, mababa ang presyo ng bilihin, at masigla ang iba pang industriya”.
Nagpadala naman si DA Secretary Francisco Tiu Laurel Jr. ng isang video message kung saan kinilala niya ang kahanga-hangang ani ng sibuyas sa Bongabon at dedikasyon ng mga magsasaka roon.
Samantala, kasama rin sa mga dumalo sa okasyon sina Congresswoman Camille Villar, former Congresswoman Czarina Domingo Umali, Mayor Ricardo I. Padilla, Vice Mayor Christian P. Binuya, Sibuyas Festival 2024 Presidents Armando Gamboa and Elvira Ronquillo at iba pang mga lokal na opisyal ng Bongabon.
📷: Department of Agriculture – Central Luzon