Simbahan ng Barasoain, pundasyon ng himagsikan
Mon Lazaro June 17, 2023 at 04:29 PM
Hindi lamang karugtong ng himagsikan, bagkus ay pundasyon ng himagsikan ang Simbahan ng Barasoain sa Malolos ayon kay Supreme Court Chief Justice Alexander Gesmundo.
Dagdag pa niya, may mahalagang papel na ginampanan ang simbahan dahil doon nabuo ang unang Konstitution ng ating bansa na tinaguriang Malolos Constitution na siyang ginamit ng unang republika ng ating bansa at kinilala bilang Republika ng Malolos. Naging saksi aniya ang simbahan sa hangaring palayain ang ating bansa mula sa mahigit tatlong daang taon ng pananakop ng mga Kastila.

Ipinaliwanag ang mga ito ng Punong Mahistrado sa pagdiriwang ng ika-125 na anibersaryo ng Proklamasyon ng Kalayaan ng Pilipinas sa makasaysayang bakuran ng Simbahan ng Barasoain sa Lungsod ng Malolos.
Binigyang diin din ni Gesmundo na may kapangyarihan ang hudikatura na bantayan ang kalayaan at tiyakin na napapangalagaan ang mga biyaya nito para sa mga mamamayan, lipunan at bansa.
Kaya naman upang mas epektibong maipatupad ito, inilahad ni Gesmundo na ang binuong Strategic Plan for Judicial Innovation ang magiging ambag ng Kataastaasang Hukuman para sa pagpapanatili ng kalayaan sa pamamagitan ng mabilis na paghahatid ng hustisya.
Ayon naman kay Bulacan Governor Daniel Fernando, ang daloy ng panahon ang nagdala sa atin sa mahalagang araw na ito kasabay ng lahat sa bawat sulok ng bansa. Dinadakila natin ang watawat ng republika upang ipahayag sa mundo ang ating kasarinlan bilang isang bansa.
Idinagdag pa ng gobernador na dahil sa tinatamasa nating biyaya, ang bawat isa sa atin ay puno ng pasasalamat sa mga bayaning nagbuwis ng buhay upang makamtan natin ang kalayaan.
Kasama nina Chief Justice Gesmundo at Gov. Fernando sa nasabing okasyon ang iba pang opisyal tulad nina Vice Gov. Alex Castro, Malolos Mayor Christian Natividad, Congressman Ambrosio “Boy” Cruz, Congressman Danny Domingo, Congressman Salvador Pleyto, Rosario Sapitan ng National Historical Commission of the Philippines, Central Luzon Regional Director Brig. Gen. Jose S. Hidalgo Jr., at Bulacan provincial Director Col. Relly Arnedo.
Photo: Wikimedia Commons