Sinulid sa gitna ng kalsada, nakasugat sa mga nagmomotor
Jessa Fajardo June 5, 2021 at 12:13 PMGabi na nang bagtasin ni Alexander Nosmas ang New Site sa may Barangay Pinaod, San Ildefonso, Bulacan noong June 1. Bandang alas-onse na raw iyon kaya madilim at tahimik na ang paligid.
Sakay ng kanyang motorsiklo, papunta raw siya noon sa Barangay Umpucan. Mabilis daw ang takbo niya na nasa 60 hanggang 70 mph dahil maluwag naman daw ang daan at wala na halos sasakyan.
Pero nang binabaybay na raw niya ang kalsada patungo sa Bulacan Agricultural State College, nagulat daw siya nang maramdaman niya na may biglang tumama sa kanyang leeg.
“Pagdaan ko sa tali, biglang uminit yung leeg ko. Tapos medyo nahirapan akong huminga dahil nasasakal na ako sa tali,” kuwento ni Alexander sa Arkipelago News.
Bigla raw napuno ng takot ang kanyang dibdib dahil sa pangyayaring iyon. Maaari raw kasi siyang magtamo ng malalang injury gaya nang mabuwal siya at mabagok ang ulo. Naisip rin niya na baka raw isa yung modus para manakaw ang kanyang motor dahil madilim ang paligid.
“Nagdalawang-isip akong balikan yung lugar kasi baka nagtatago lang yung mga nagkabit nun sa mga damo,” dagdag pa niya.
Salamat na lang daw at wala namang nagtangkang magnakaw ng kanyang motor. Mabuti na lang din daw at hindi malala ang sugat na kanyang natamo.
“Hindi naman po nawala ang balanse ko. Pero nung naramdaman ko na po yung sinulid sa leeg ko, pilit ko na lang pong pinutol. Dumiretso lang po ako. Hindi na po ako huminto non,” dagdag ni Alexander.
Ayon sa kanya, mahabang sinulid na pantahi ang tila sadyang iniharang sa gitna ng kalsada. Nakatali daw ito sa mga bakod sa magkabilang gilid. Mukhang target ng mga pasimuno na manakit ng mga nagmomotor katulad nila.
Dagdag pa ni Alexander, dinoble-doble daw ang sinulid para mas kumapal at hindi madaling mapatid. Iba-iba raw ang kulay ng sinulid na ginamit at hindi raw ito madaling makita o mapansin ng mga motorista.
“Wala pong ilaw sa lugar na yun. Wala pong poste ng ilaw kaya talagang madilim sa gabi,” kuwento pa ni Alexander.
Nabalatan daw ang leeg ni Alexander dahil sa pagkakasabit sa sinulid. Hindi naman daw ito nagdugo pero sobrang hapdi daw ng sugat at nagtubig kalaunan.
Halos ganito rin ang sinapit ni Daniel Frias, isang public school teacher, noong June 2. Sa parehong kalsada rin siya dumaan habang minamaneho ang kanyang motor. Mga bandang 10:15 na raw iyon ng gabi.
“Pauwi na po ako nun galing sa bahay ng girlfriend ko. Pagdating ko sa part na iyon, may naramdaman ako sa leeg ko na akala ko kung ano lang. Kinabahan ako kasi akala ko hindi na mapuputol,” kuwento ni Daniel sa Arkipelago News.
Pero paglagpas pa raw niya ng kaunti, naputol na ang sinulid. Una raw niyang naisip na baka may nagtatago sa may damuhan sa gilid ng kalsada.
Gaya ni Alexander, natakot din daw si Daniel para sa sarili niya. Sobrang dilim daw nung oras na yun at maraming pwedeng mangyari. Pero naglakas loob pa rin daw siyang balikan ang lugar ng insidente.
“Habang nandun ako sa lugar, nakita ko na may mga tao sa gitna ng bukid. Nakaflashlight sila pero malayo sila sa akin. Kaya naisip ko na baka sila ang naglagay at nangtrip lang. Kaso mahirap naman magbintang kaya pinost ko na lang ang insidente para maging aware ang mga tao at hindi na maulit,” paliwanag ni Daniel.
Hindi naman daw grabe ang natamong sugat ni Daniel. Parang galos lang daw ito at hindi malalim. Walang dugo, at madali naman daw naghilom.
Napag-alaman ni Daniel na marami na rin daw ang nabiktima ng sinulid na ikinabit sa gitna ng kalsada. May mga nagcomment kasi sa kanyang post at nagsabing maging sila ay nabiktima rin.
“Isang linggo bago naganap sa akin yun, may nauna na pala sa akin at mas malala yung kanya,” kuwento ni Daniel.
Mas malalim daw ang naging sugat ng nagkomento sa post ni Daniel. Mas bumaon daw ang sinulid sa kanyang leeg. Bakat na bakat daw ang marka ng sinulid at nabalatan din ito at nagtubig.
Delikado ang ganitong sugat ayon kay Dra. Josephine Trinidad, doktor sa Sta. Teresita General Hospital. Maaari raw kasing tamaan ang mga ugat sa leeg at maging dahilan ng pagdurugo. Pwede rin daw na lumala ang sugat sa leeg kapag hindi naagapan ng first aid.
“Pwedeng ma-infect ang sugat,” paliwanag niya sa Arkipelago News.
Pero paglilinaw ni Dra. Trinidad, hindi raw sapat ang kapal ng sinulid para makaputol ng leeg.
Dahil lumikha ng ingay ang post ni Daniel at ng iba pang biktima, nakarating ito sa kaalaman ng lokal na pamahalaan ng San Ildefonso.
“Nagchat ang mayora sa amin at kaagad inaksyonan ang sunod-sunod na insidente,” sabi ni Daniel.
Dagdag pa niya na nagtungo na ang mga pulis sa lugar ng insidente. Sinuyod nila ang paligid para makita kung saan maaaring magtago ang mga nagkakabit ng sinulid.
Magsasagawa raw ng mas malalim na imbestigasyon ang pulisya ng San Ildefonso para malaman kung sino-sino ang nasa likod nito.
Nakipag-ugnayan na rin daw ang mga pulis sa nakakasakop na barangay. Nagdesisyon din ang mga opisyal ng barangay na magkabit ng ilaw at CCTV s.
Photo courtesy of Alexander Nosmas, Jack Daniel Frias, at office of Mayor Carla Galvez- Tan