Strike ng Manibela transport group sa Bulacan naapektuhan ang 2 bayan
Mon Lazaro July 25, 2023 at 06:47 PMCAMP ALEJO SANTOS, Lungsod ng Malolos– Dalawang bayan sa lalawigan ng Bulacan ang naapektuhan ng transport strike na pinangunahan ng samahang Malayang Alyansa ng Bus Employees at Laborers (Manibela) nitong araw ng Lunes.
Base sa ulat na nakarating kay Col. Relly Arnedo, Bulacan police director, dalawang grupo ng samahan na kabilang sa Manibela ang nakapagdaos ng transport strike sa bayan ng Santa Maria at Calumpit.
Unang naikasa ang transport strike sa Barangay San Vicente sa bayan ng Santa Maria bandang 8:00 ng umaga.
Sinabi sa ulat kay Arnedo na humigit kumulang sa 40 katao ang nakiisa sa nasabing strike na pinamunuan ni Emer Dela Rosa ng Manibela Hapatu (Halang, Parada) group.
Ang ikalawang transport strike ay naganap naman bandang 4:00 ng hapon sa Barangay San Marcos sa bayan ng Calumpit.
Ito ay sinuportahan naman ng sampung raliyista na pinangunahan ni Augusto “Boy” Tenorio, ayon pa sa ulat kay Arnedo.
Wala namang naiulat na nasaktan o anumang kaguluhan sa nasabing transport strike.
Photo: Jacob Roxas