Super Health Center itatayo sa bayan ng San Rafael
Mon Lazaro June 21, 2023 at 10:19 PMItatayo sa loob ng San Rafael Government Center sa Barangay Sampaloc ang isang Super Health Center na pinondohan ng Department of Health (DOH) na nagkakahalaga ng P9.9 milyon.
Pinangunahan ni Sen. Christopher Lawrence ‘Bong’ Go nitong araw ng Miyerkules, kasama sina Bise Gob. Alex Castro, Rep. Lorna Silverio, San Rafael Mayor Cholo Violago, Vice Mayor Marilyn Veneracion at iba pang lokal na opiyal ng bayang ito ang pagbabaon ng panandang bato bilang hudyat ng pagsisimula ng konstruksiyon ng nasabing Super Health Center na isang palapag na istraktura.
Ayon kay Senador Go, itinatayo ang Super Health Center sa may maluluwag na lote ng lupa dahil idinisenyo ito na expandable. Ibig sabihin, kung nais ng isang pamahalaang lokal na maglagay ng karagdagang pasilidad ay uubra gaya ng dialysis facilities, mga specialty services tulad ng eye, ear, nose, and throat o EENT, oncology centers, physical therapy at rehabilitation.
Sinabi naman ni San Rafael Mayor Mark Cholo Violago na binili ng pamahalaang bayan ang katabing lupa ng government center upang mapagtayuan nitong Super Health Center.
Isang semi-hospital ang konsepto ng Super Health Center kung saan may mga birthing facility, isolation, pharmacy at ambulatory surgical unit. Magkakaroon din ito diagnostic services gaya ng laboratory, X-ray, at ultrasound.
Kaugnay nito, naitayo na rin ang mga istraktura ng iba pang mga Super Health Centers na pinondohan ng Pambansang Badyet noong taong 2022 na nasa San Miguel, Bulakan, Guiguinto, Balagtas, Pandi at sa San Jose Del Monte.
Tinatayang nasa P11 milyon hanggang P15 milyon ang halaga ng bawat isang unit ng Super Health Center.
Pinondohan naman ng Pambansang Badyet ng 2023 ang pagpapatayo ng mga Super Health Centers sa San Ildefonso, San Rafael, Baliwag, Plaridel, Angat, Marilao, Obando at Paombong na target mabuksan sa taong 2024.