Suspek sa pagpatay kay Princess Marie Dumantay, posibleng kakilala niya
Arkipelago News August 19, 2022 at 10:50 PMLumalabas sa imbestigasyon ng pulisya at sa pahayag ng mga testigo na magkakilala ang biktimang si Princess Marie Dumantay at ang suspek na si Gaspar Maneja, Jr. na gumagamit din diumano ng pangalang Jose Francisco Santos.
Batay sa pagsisiyasat ng pulisya, si Maneja diumano ang huling nakitang kasama ng biktimang si Princess, grade 9 student at residente ng San Jose Del Monte City, Bulacan.
Sa salaysay ng kapatid ng biktima, nagpaalam daw sa kanya si Princess na makikipagkita siya sa isang nagngangalang Jose Francisco Santos dahil bibigyan diumano siya nito ng bisikleta. Nalaman din sa imbestigasyon ng pulisya na madalas magbisikleta ang biktima sa Business Park sa Lagro, Quezon City, at nakikita diumano siya doon na sumasakay sa kotse ng suspek, isang Toyota Wigo na may plate number na EAE-2913.
Ayon sa mga testigo, nakita diumano nilang nakasakay si Princess sa kotse ng suspek noong August 10, ang araw na nawala siya.
Nang beripikahin ng pulisya sa Land Transportation Office (LTO) ang plate number ng sasakyan, napag-alamang nakarehistro umano ito kay Jomer Maneja, nakababatang kapatid ng suspek. Ayon sa pulisya, inamin ni Jomer na hindi na siya ang gumagamit ng sasakyan at ipinasa na niya ang pagbabayad sa kanyang kuya dahil hindi na niya ito kayang hulugan.
Kahapon, August 18, nagsagawa ng isang manhunt operation ang pinagsanib na pwersa ng Criminal Investigation and Detection Group ng PRO5 at mga operatiba ng Bulacan Provincial Police Office sa Barangay Veneracion, Pamplona, Camarines Sur. At doon, nasakote nila ang suspek na si Gaspar Maneja, Jr.
August 10 nang mapaulat na nawawala ang labinlimang taong gulang na si Princess. Makalipas ang limang araw o noong August 15, natagpuan ang kanyang bangkay sa Bustos, Bulacan.
Ayon sa autopsy report, ginahasa muna bago pinatay ang menor de edad na biktima.
Nahaharap si Gaspar Maneja, Jr. sa kasong rape with homicide at sa kasong Using Fictitious Name and Concealing True Name. Natuklasan din ng pulisya na may warrant of arrest siya sa dalawa pang kaso ng child abuse at rape.