Suspek sa pagpatay sa dalawang pulis Bocaue, nasawi sa engkuwentro sa Cagayan
Mike Manalaysay June 4, 2025 at 08:35 PM
BAGGAO, Cagayan — Nasawi ang pangunahing suspek sa pagpatay sa dalawang pulis ng Bocaue, Bulacan matapos umanong manlaban sa mga awtoridad sa isang armadong engkuwentro sa Barangay Bacagan, Baggao, Cagayan nitong Miyerkules ng umaga.
Kinilala ang suspek sa alyas na “Xander,” na may standing warrant of arrest kaugnay sa pagpaslang kina PSSgt. Dennis Cudiamat at PSSgt. Gian George dela Cruz, kapwa miyembro ng Bocaue Municipal Police Station. Ang insidente ng pamamaril ay naganap noong Marso 8, 2025.
Ayon sa Cagayan Police Provincial Office, pinagsanib na puwersa mula sa Baggao Police Station (lead unit), Regional Intelligence Division 2 at 3, Regional Intelligence Unit 2 at 3, Provincial Intelligence Units ng Cagayan at Bulacan, 204th Maneuver Company RMFB2, 1st PMFC, at Bocaue Police Station ang nagsagawa ng intelligence-driven operation upang ipatupad ang nasabing warrant of arrest.
Habang isinasagawa ang operasyon, bigla umanong bumunot ng baril ang suspek, sabay sigaw ng “’Di ako papahuli nang buhay!” at nagpaputok sa mga operatiba, dahilan upang gumanti ng putok ang mga pulis. Napatay si “Xander” sa insidente.
Narekober sa pinangyarihan ng engkuwentro ang isang Glock firearm na may serial number PNP50742, na pinaniniwalaang pag-aari ng isa sa dalawang nasawing pulis sa Bocaue.
Para kay Police Brigadier General Antonio Marallag Jr., Regional Director ng PRO2, ang nangyari ay isang tagumpay ng batas.
“Ang pagkamatay ng suspek sa madugong insidente sa Bocaue ay isang malinaw na mensahe na ang rehiyon ng Lambak ng Cagayan ay hindi ligtas na taguan ng mga kriminal. Higit sa lahat, ito ay tagumpay ng hustisya para kina PSSgt. Cudiamat at PSSgt. Dela Cruz, at sa kanilang mga pamilyang naiwan. Sa ating mga kapulisan, taas-noo sa inyong katapangan at determinasyon. Tayo ay magpapatuloy sa pagbibigay ng tunay na serbisyo para sa mamamayan,” ani Marallag.
Samantala, nagpaabot ng pasasalamat si Bocaue Mayor Eduardo “Jonjon” Villanueva sa Philippine National Police at sa mga yunit na tumutok sa kaso.
“Nagpapasalamat tayo sa Panginoong Diyos na nakamit na ng pamilya nina PSSgt. Cudiamat at PSSgt. Dela Cruz ang hustisya. Ipinapaabot ko rin ang ating pasasalamat at pagkilala sa lahat ng police units na naging bahagi ng matagumpay na operasyon para mahuli ang suspek,” pahayag ng alkalde.
Dagdag pa ni Mayor Villanueva, titiyakin ng lokal na pamahalaan na mananatiling buhay ang alaala at sakripisyo ng dalawang bayaning pulis.
📷