Top 4 provincial at top 2 municipal most wanted, arestado sa manhunt operations ng Bulacan Police
Arkipelago News May 7, 2025 at 10:21 PM
MALOLOS CITY, Bulacan — Naaresto ng Bulacan Police Provincial Office ang Top 4 Most Wanted Person sa provincial level at ang Top 2 sa municipal level, kasama ang dalawa pang indibidwal na may kinakaharap na kaso, sa magkakahiwalay na manhunt operations na isinagawa noong Mayo 6, 2025.
Sa ulat mula sa Camp General Alejo S. Santos, dinakip ng Marilao Municipal Police Station (MPS) ang isang 52-anyos na lalaki na Top 2 Most Wanted sa nasabing bayan. Inaresto siya sa Brgy. Poblacion 1 batay sa warrant of arrest para sa kasong Attempted Rape na may kaugnayan sa Republic Act 7610. Ang warrant ay inilabas ng Regional Trial Court (RTC) Branch 18, Malolos City.

Samantala, sa San Miguel, pinagsanib na puwersa ng San Miguel MPS, RIU 3-Bulacan PIT West, Bulacan 2nd Provincial Mobile Force Company, at Regional Mobile Force Battalion 3 ang nagresulta sa pagkakaaresto ng 41-anyos na lalaking akusado ng murder. Siya ay itinuturing na Top 4 Most Wanted Person sa buong lalawigan. Ayon sa ulat, walang inirekomendang piyansa para sa kaso, batay sa warrant mula sa RTC Branch 102, Malolos City.
Sa hiwalay na operasyon, naaresto rin ng tracker teams mula sa San Jose Del Monte City Police Station at Santa Maria MPS ang dalawang indibidwal na may kinahaharap na kaso at nakabinbing warrant of arrest.
Ang mga suspek ay pansamantalang nasa kustodiya ng kani-kanilang mga istasyon para sa kaukulang dokumentasyon bago i-turn over sa mga korte na nag-isyu ng kanilang mga warrant.
📷 PIO, Bulacan PPO