| Contact Us

Tricycle driver, tinutukan at ninakawan sa Barangay Duhat, Bocaue, Bulacan

Danielle Anne Eugenio May 25, 2021 at 02:20 PM

Isang tricycle driver na namamasada sa Barangay Duhat, Bocaue, Bulacan, ang tinutukan ng kutsilyo at ninakawan ng tricycle ng kanyang mga pasahero noong madaling araw ng May 22.

Namamasada raw ang 28 anyos na tricycle driver na si Mark Bueno sa kanilang bayan sa Balagtas, Bulacan nang sumakay sa kanya ang dalawang lalaki at nagpahatid papunta sa Barangay Patubig, Marilao, Bulacan. Laking gulat daw niya nang bigla na lang siyang inatake ng kanyang pasahero.

“Pumara po yung isa at sabi ay lumagpas na kami at pinapasok po ako sa eskinita. Hindi ko po akalain na bumaba na yung isa para saksakin ako. Mabuti at nailagan ko at nakatakbo na po ako papalayo,” ayon kay Bueno.

Dagdag pa ni Bueno, hinabol pa siya ng mga suspek dahil gusto rin daw nilang makuha ang kanyang cellphone at bag. Mabuti na lamang daw at may mga nagmalasakit na tumulong sa kanya.

“Nagpapasalamat po ako na hindi ako nasaksak at nailigtas po ako ng mga naka-motor dahil kung hindi ay baka 50-50 po ako ngayon. Sinubukan po namin sila habulin pero sobrang layo na po ng agwat,” dagdag pa niya.

Naireport na raw ni Bueno sa barangay at Bocaue Police ang insidente. Sa kasalukuyan daw ay naghihintay siya ng balita kung may nakakita sa kanyang tricycle.

“Nai-report ko na po. Ang sabi po ay bakit raw ako namamasada ng gabi eh delikado na ang oras na iyon,” sabi ni Bueno.

Humigit- kumulang 400 pesos daw ang kinikita ni Bueno sa bawat araw ng kanyang pamamasada. Ito raw ang ginagamit ng kanyang pamilya para sa pang araw-araw na gastusin at pang-ayos sa kanyang tricycle. Katulong daw niya sa paghahanapbuhay ang kanyang asawang OFW.

Maraming netizen ang nagkomento sa Facebook post ni Bueno tungkol sa nangyari sa kanya. Ayon sa mga komento, marami raw talagang magnanakaw at carnapper sa lugar kung saan siya naholdap lalo na raw kapag gabi.

Hanggang ngayon ay patuloy sa paghingi ng tulong si Bueno sa pamamagitan ng pagpopost sa iba’t ibang Facebook page sa mga bayan sa Bulacan. Nag-alok din siya ng sampung libong pisong pabuya para sa sinumang makakapagturo ng kinaroroonan ng kanyang ninakaw na tricycle. Kalakip ng kanyang post ang litrato ng tricycle.

Kung sakaling makita ang kanyang tricycle, maaaring tawagan si Bueno sa numerong 0926-029-0816 o ipagbigay alam sa barangay at pulisya.

Photo courtesy of Mark Bueno

Array
1 2 3 4 5 6 7 8 9 10 11 59 Last