Tubig irigasyon mula sa Angat Dam babawasan sa pagpasok ng Hulyo
Mon Lazaro June 29, 2023 at 08:29 PM
Babawasan ang alokasyon ng tubig irigasyon sa mga sakahan sa Bulacan at ilang parte ng Pampanga dahil sa bumababaw na tubig ng Angat Dam.
Ito ang kinumpirma sa ARKIPELAGO NEWS BULACAN sa isang text message ni National Water Resources Board Executive Director Sevillo David Jr.
Ang Angat Dam ay pangunahing pinagkukunan ng tubig inumin para sa Kalakhang Maynila at nagbibigay ng tubig irigasyon sa mahigit 20,000 hektarya ng lupang sakahan sa Bulacan at ilang bahagi ng Pampanga bukod pa sa hydropower generations nito sa Angat Dam Hydropower plant na nag-aambag ng suplay ng kuryente sa Luzon Grid.

Kapag umabot sa 180 metro ang taas ng tubig ng nasabing dam ay ilalaan na lamang ang suplay ng tubig nito para sa tubig inumin ng Metro Manila at makokompromiso ang suplay ng tubig nito para sa irigasyon at hydropower generation.
Ayon kay David, inaprubahan nila ang water allocation para sa Manila Waterworks Sewerarage System ( MWSS) na mula sa Angat Dam para sa Hunyo 1 hanggang Hunyo 15 ng taong kasalukuyan sa 52 CMS at ang National Irrigation Administration (NIA) naman ay walang alokasyon.
Simula naman Hunyo 16 hanggang Hunyo 30 ay nabawasan ang alokasyon ng tubig para sa MWSS ay 50 CMS pa rin at ang NIA naman ay nabigyan ng 40 CMS.
Pero dahil sa patuloy na pagbaba ng tubig sa Angat Dam ay binawasan pa nito ang alokasyon ng tubig para sa NIA sa 28.5 CMS para sa buong buwan ng Hulyo at ang para sa MWSS ay ganoon pa rin sa 50 CMS.
Base naman sa datos ng Provincial Disaster Risk Reduction Management Office ng Bulacan, ang sukat ng tubig sa Angat Dam nitong nakaraang araw ng Miyerkules ng umaga ay nasa 183.12 Metro at nitong Huwebes ng umaga ay bumaba pa sa 182.84 metro.
Ito ay 2.84 metro na lamang ang taas sa critical level nito na 180 metro.
Photo: Mon Lazaro