Tubig ng Angat Dam bumaba na sa minimum operating level
Mon Lazaro July 9, 2023 at 11:51 AMBumaba na sa minimum operating level na 180 metro ang tubig sa Angat Dam nitong Sabado ng umaga.
Base sa talaan ng Provincial Disaster Risk Reduction Management Office ng Bulacan nitong 8:00 ng umaga ng Sabado ang taas ng elebasyon ng tubig sa nasabing dam ay bumaba na sa 179.94 metro kumpara sa180.41 metro nitong nakalipas na araw ng Biyernes ng umaga.
Sa naunang pahayag sa ARKIPELAGO NEWS BULACAN ni Sevillo David Jr., executive director of the National Water Resources Board (NWRB), na base sa protocol “Below the minimum operating level of 180 meters, priority ang water supply for MM [Metro Manila].”
Nangangahulugan na makokompromiso ang alokasyon ng tubig irigasyon para sa humigit kumulang na 25,000 ektarya ng lupang sakahan sa Bulacan at iba pang parte ng Pampanga.
Matatandaan na nito lamang Hunyo 16 taong kasalukuyan ay pinayagan ng NWRB na bigyan ng 40 cubic meter per second (CMS) na alokasyon para sa tubig irigasyon mula sa Angat Dam.
Pero nitong araw ng Sabado sinabi ni David sa kanyang text message sa ARKIPELAGO NEWS BULACAN na, “The Board decided to modify the allocation if the level of Angat Dam falls below the minimum operating level of 180 meters. For MWSS [Metropolitan Waterworks and Sewerage System] 48 cubic meters per second, NIA [ National Irrigation Administration] up to 20 CMS until the end of July. This allocation will still be reviewed based on the development of the level of the dam.”
Dahil dito, napag-alaman na maraming mga magsasaka ang nag-iisip na maglagay ng shallow tube wells bilang pandagdag na pagkukunan ng kanilang tubig irigasyon ngayong panahon ng taniman.
Nananawagan rin sila sa mga ahensya ng gobyerno na matulungan sila sa posibleng maging epekto sa kanilang mga pananim ng kasalukuyang El Niño na kinahaharap ng ating bansa ngayon.
Photo: Mon Lazaro