Tubig ng Angat Dam umangat mahigit sa 1/2 metro, Bustos Dam nagpakawala ng tubig
Mon Lazaro July 18, 2023 at 02:35 PM
LUNGSOD NG MALOLOS — Umangat nang mahigit sa kalahating metro ang tubig sa Angat Dam dulot ng ulan na ibinuhos ng Bagyong Dodong nitong araw ng Sabado.
Samantala, ang mga lupang sakahan sa lalawigan na natigang sa tubig ay muling nagkatubig dahil sa ulan na dulot ni Dodong.
Karamihan rin sa mga magsasaka ng lalawigan, lalo na duon sa mga sahod ulan,ay nagprepreparasyon na para makapagtanim ngayong panahon ng tag-ulan kahit may banta ng El Niño sa huling quarter ng taon.
Base sa talaan ng Provincial Disaster Risk Reduction Management Office (PDRRMO) ng Bulacan, umabot sa 178.56 metro ang water level ng Angat Dam nitong 8:00 ng umaga nitong araw ng Sabado kumpara sa 178.03 metro nuong umaga ng Biyernes.
Ang 0.53 metro na itinaas ng tubig sa nasabing dam ay mababa pa rin ng 1.44 metro sa minimum operating level nito na180 metro.
Samantala, ayon kay Ret.Col. Manuel Lukban Jr., OIC ng PDRRMO nagpakawala naman ng tubig ang Bustos Dam at nitong 9:30 ng umaga ng araw ng Sabado, ang dalawa sa tatlo Sluice Gate nito ang isinarado na.
Ang spilling level ng Bustos Dam ay nasa 17.00 metro at ang water elevation nito sa nasabing oras ay nasa 17.34 metro.
Sinabi pa ni Lukban na ang Sluice Gate No. 2 ng Bustos Dam ay nakaangat ng kalahating metro at nagpapatapon ng tubig sa dami ng 13 cubic meter per second.