Tubig sa Angat Dam bahagyang tumaas, Bustos Dam nagpakawala ng tubig
Mon Lazaro July 26, 2023 at 03:10 PMLUNGSOD NG MALOLOS — Bahagyang tumaas ang tubig sa Angat Dam, samantalang ang Bustos Dam ay nagpakawala ng tubig nitong umaga ng Miyerkules dahil sa ulan na dala ng Bagyong Egay at southwest monsoon.
Base sa monitoring ng Provincial Disaster Risk Reduction Management Office (PDRRMO) ng Bulacan, ang water level ng Angat Dam nitong 8:00 ng umaga ng Miyerkules ay nasa 181.81 metro kumpara sa 181.02 metro noong araw ng Martes.
Ang tubig sa Angat Dam ay tumaas ng 1.81 metro sa minimum operating level nito na 180 metro pero mababa naman ng 30.19 metro sa normal high water level nito na 212 metro.
Ang Angat Dam ang pangunahing nagsusupply ng tubig inumin para sa Kalakhang Maynila at tubig irigasyon sa 25,000 hektarya ng lupang sakahan sa Bulacan at ilang bahagi ng Pampanga.
Sa kabilang dako naman, ang taas ng tubig sa Bustos Dam ay naitala sa 17.33 metro kumpara sa spilling level nito na 17.00 metro.
Ayon kay Manuel Lukban Jr., PDRRMO OIC ng Bulacan, ang Sluice Gate No.1 at Sluice Gate No.2 ng Bustos Dam ay parehong itinaas ng isang metro.
Ang dalawang sluice gate ng Bustos Dam ay nagpapakawala ng tig 26 cubic meter per second ng tubig para sa kabuuang 52 cubic meter per second pababa sa downstream river system nito.
Photo: Mon Lazaro