Tubig sa Angat Dam patuloy ang pagbaba, cloud-seeding hiling ng mga magsasaka
Mon Lazaro June 5, 2023 at 06:46 PM
LUNGSOD NG MALOLOS– Kahit na nakakaranas ng malalakas na pabugso-bugsong pag-ulan, patuloy pa rin ang pagbaba ng tubig sa Angat Dam.
Base sa datos ng Provincial Disaster Risk Reduction Management Office ng Bulacan, Ang level ng tubig sa Angat Dam nitong 8:00am ng araw ng Lunes ay nasa 188.65 metro.
Ito ay mataas lamang ng 8.65 Metro sa minimum operating level nito na 180 Metro at mababa naman ng 23.35 Metro sa normal high water level nito na 212 metro.
Ang Angat Dam ang pangunahing pinagkukunan ng tubig inumin ng mga residente ng Kalakhang Maynila, nag-aambag ng kuryente sa Luzon Grid at tubig irigasyon sa mga sakahan na sineserbisyuhan ng National Irrigation Administration sa Bulacan at ilang bahagi ng Pampanga
Samantala, nananawagan naman sa pamahalaan ang mga magsasakang sahod ulan sa bayan ng San Miguel na kung maaari ay magsagawa na ng cloud-seeding operations para tuluyang bumagsak na ang mga ulan sa kanilang mga bukirin para makapagsimula na silang makapag-araro.
Ayon kay Simeon Sioson, tagapangulo ng 4SM Multi-Purpose Cooperative sa Barangay Lambakin sa nasabing bayan, kung may pag-ulan man nitong mga nagdaang mga araw ay hindi pa rin para sa sila ay makapag-araro na dahil ang mga pag-ulan na naranasan sa kanilang lugar ay makabasang baro lamang.