Tubig sa Angat Dam patuloy na bumababa
Mon Lazaro June 27, 2023 at 11:13 PMPatuloy na bumababa ang tubig sa Angat Dam papalapit sa minimum operating level nito na 180 meters.(m).
Base sa pagmomonitor ng Provincial Disaster Risk Reduction Management Office ng Bulacan, ang water level ng Angat Dam nitong 8:00 ng umaga araw ng Martes ay 181.51 metro kumpara sa 183.74 metro noong Lunes, June 26.
Ito ay mataas na lamang ng 3.51 metro sa minimum operating level nito na 180 metro at mababa ng 28.49 metro sa normal high water level nito.
Pangunahing prayoridad ng Angat Dam ang pangangailangan ng tubig inumin para sa mga residente ng Metro Manila, karagdagang hydropower generation para sa Luzon Grid, at para sa tubig irigasyon sa mga palayan ng Bulacan at ilang lugar sa Pampanga.
Sa naging pahayag sa ARKIPELAGO NEWS Bulacan ni Sevillo David Jr., executive director ng National Water Resources Board, sinabi niya na kapag umabot na sa minimum operating level na 180 metro ang tubig ng Angat Dam ay ilalaan na lamang para sa pangangailangan ng tubig inumin ng mga residente ng Kalakhang Maynila.
Ibig sabihin mapuputol na ang alokasyon ng tubig irigasyon para sa mga irrigated ricelands ng Bulacan at ilang bayan ng Pampanga.
Gayundin, mapuputol na rin ang alokasyon ng tubig para sa hydro power generation ng Angat Hydropower generation plant na magiging sanhi ng pagbawas ng hydropower generation o supply ng kuryente sa Luzon Grid.
Photo: Mon Lazaro