Turo Community Pantry para sa mga senior citizen
Mike Manalaysay May 4, 2021 at 09:12 AMTila walang kapaguran sa pagtulong ang mga taong nasa likod ng Turo Community Pantry sa Bocaue, Bulacan. Noong April 30 lamang, matagumpay nilang naisagawa ang Grand Turo Community Pantry, kung saan umaapaw sa dami ang ipinamigay nilang pagkain. May bigas, isda, manok, gulay, itlog, kape, asukal, tinapay, delata, noodles, sabon, at marami pang iba. Pero bukod sa naiuwing pagkain, nakakain din ng libreng ice cream ang mga nagpunta sa pantry. Ang mala-supermarket na community pantry ay itinuturing na isa sa pinakamalaking pantry na inorganisa.
Noong May 2, mga senior citizen naman sa kanilang lugar ang hinatiran nila ng pagkain. Narito ang kanilang Facebook post:
“May 2. Seniors day. Narinig po natin ang hiling ng ating mga seniors. Ngayong araw ay namimigay po ang mga tagapangasiwa ng Turo Community Pantry ng maihahain nila sa kanilang hapag kainan. Ito po ang ilan sa kanila.”
Dinala nila sa bahay ng mga senior ang mga plastig bag na naglalaman ng manok, bigas, delata, prutas, gulay, at iba pang pagkain.
Ang kapuri-puring pamamahagi ng pagkain para sa mga lolo at lola ay pinagsumikapan at pinaghirapang gawin nina:
Arnel Ambi at Joan Nieto, kasama ang kanilang mga kaibigang sina Jeannie Nieto, Aiah Santiago-Espinosa, Arlyn Ambi, Kat Pascual, Andrea Espinosa, Neneth Pascual-Ambi, Marvin Pascual, Arnold Ambi, Ryan Dio, JR Pascual, at Joel Bernardo.
Bakas sa mukha ng mga lolo at lola ang kasiyahan at pasasalamat sa kagandahan ng puso ng mga organizer.
Inulan naman ng papuri ang mga namumuno sa pantry dahil sa kanilang pagkakawanggawa at malasakit sa mga nakatatanda sa kanilang barangay.
“Nakakatuwa na makita ang mga seniors na masaya,” ayon kay Che dela Torre.
“Wala kayong kapantay. So proud,” komento naman ni Agatha Santiago
“Salamat po sa pagdala, kahit mainit po ay nadala pa rin po ninyo sa kanila. Keep safe po,” pasasalamat din ni Monc Rm.
“Hats off to the organizer and all who helped the Turo Community Pantry. God bless all of you,” sinabi naman ni Ma. Luisa Pascual.
Photos courtesy of Turo Community Pantry organizers