Unang Ginang dinalaw ang programang “Lab for All” ng Lungsod ng San Jose del Monte
Mon Lazaro July 12, 2023 at 04:53 PMDinalaw ni Unang Ginang Louise Araneta-Marcos ang programang “Lab for All (Labotaryo, Konsulta, at Gamot Para sa Lahat)” ng Lungsod ng San Jose del Monte nitong araw ng Martes sa City Sports Complex.
Nagsagawa ng koordinasyon ang mag-asawang Kin.Florida “Ate Rida” Robes at Mayor Arthur Robes sa Unang Ginang para mapagkalooban ang mga residente ng siyudad ng agarang atensyong medikal at mapagtuunan ng pansin ang aspetong pangkalusugan ng bawat pamilyang San Joseño. Sa ilalim ng programang ito, magkakaroon ng libreng medical consultation, laboratory, at mga gamot.
Sa panayam ng ARKIPELAGO NEWS BULACAN, sinabi pa ni Ate Rida na “May gamot din para sa tatlong buwan na gamutan.”
Idinagdag pa niya na layunin ng programang ito na maghatid ng tulong sa mga higit na nangangailangang residente ng Lungsod ng San Jose del Monte.”
Dumalo rin sa nasabing programa sina Department of Health Undersecretary Eric Tayag, Private Sector Advisory Council Healthcare Dr. Rizzy Alejandro, at Philippine Health Insurance Corporation President at Chief Executive Officer Emmanuel Rufino Ledesma Jr.
Bahagi rin ng naging programa ay ang pagbibigay serbisyo ng Technical Education and Skills Development Authority at Department of Social Welfare and Development sa pangunguna nina Kal. Suharto Mangudadatu at Kal. Rex Gatchalian.
Photo: CSJDM PIO