11 bar passers ng University of Caloocan City binigyan ng P1.5-M cash incentive
Reggie Vizmanos February 11, 2024 at 09:17 PM📷: Along Malapitan FB
Tumanggap ng kabuuang 1.5 milyong pisong cash incentive mula sa lokal na pamahalaan ng Caloocan ang 11 graduates ng University of Caloocan City College of Law (UCC CoL) na nakapasa sa nagdaang bar examination.
Ang insentibo ay personal na iniabot nina Mayor Along Malapitan at Congressman Oca Malapitan sa mga bagong abogado sa inihandog sa kanilang testimonial ceremony sa Bulwagang Katipunan ng City Hall.
Ang mga bagong abogado ay sina Attorneys Jesuso Babaran, Ezekiel Jacob Carinan, Vincent Chua, Pauline Mae David-Antonio, Mell Gilbert Magadan, Jake Mallari, Gigi Mendoza, Normalyn Oreña, Juanita Pineda, Leomar Seminiano, at Anthony Wanawan.
Sila ang ikatlong batch ng mga UCC-CoL graduates na pumasa sa bar mula noong unang sumabak sa examination ang UCC.
Memsahe ni Mayor Malapitan sa mga bagong abogado, “Pagbutihan niyo ang pagtataguyod ng hustisya sa ating bansa at sa karapatan ng bawat indibidwal na hihingi ng inyong tulong. Ang pakiusap ko lang sa inyo, palagi kayong maging makatao sa inyong bawat desisyon at palaging maging maka-diyos sa inyong landas na tatahakin.”
“Tulungan niyo kami sa pag-go-gobyerno. Kailangan namin kayo upang matiyak na maging ang mga susunod na Batang Kankaloo ay matupad din ang pangarap nila na mapunta sa kinauupuan ninyo ngayon,” dagdag ng alkalde.
Sinabi naman ni Cong. Malapitan na sa kabuuang P1.5 milyong piso, ang bawa’t isa sa 11 bar passers ay nakatanggap ng nasa P136,000 cash incentive.
Binigyang-diin ng alkalde at ng kongresista na ang pagkakaroon ng bar passers mula sa UCC bawa’t taon ay patunay sa de-kalidad na edukasyon sa lungsod.
Nagpugay rin sila sa mga opisyales at guro ng UCC-College of Law na naging gabay ng bawat bar passer ng unibersidad.
Ayon sa UCC College of Law Student Council sa mensahe nito sa bar passers, “You have all certainly lived up to the standards set by our institution and embodied our battlecry by rising to the occasion and overcoming the last hurdle in becoming a lawyer. We are all proud of you!”
Sinabi rin ng Alliance of Students for the Advancement of Politics (ASAP) UCC North Council, “You are the guardians of justice, advocates for the voiceless, and champions of a fair and equitable society. Embrace these roles with humility and a deep sense of duty… May your legal careers be marked by integrity, compassion, and a tireless pursuit of justice.”
Ang UCC-College of Law ay binuksan noong 2017 sa ilalim ng administrasyon ni noo’y Mayor Oca Malapitan.
Ito ang kauna-unahang public law school sa buong CAMANAVA na kinabibilalangan ng Caloocan, Malabon, Navotas, at Valenzuela.