QC gov’t, naghahanda ng mural festival para sa West Philippine Sea awareness
Angelo Calixtro April 8, 2026 at 08:17 PM
QUEZON CITY — Nagkaroon ng talakayan sa pagitan nina Quezon City Mayor Joy Belmonte, Philippine Coast Guard Commodore Nelson Timbang at Philippine Information Agency Director General Kat De Castro para talakayin ang planong paglulunsad ng isang mural festival na magbibigay-pugay sa West Philippine Sea.
Layunin ng inisyatiba na maipahayag ang kahalagahan ng kasarinlan at mapalakas ang kamalayang pambansa sa pamamagitan ng sining. Inaasahang magsisilbing plataporma ang mural festival para maipakita ang suporta sa mga Pilipinong nagbabantay at umaasa sa yamang-dagat ng bansa.
Samantala, bumisita rin kay Belmonte ang documentary filmmaker na si Baby Ruth Villarama para talakayin ang posibleng pakikibahagi sa mural festival at ang pagpapalawak ng kaalaman ng publiko hinggil sa sitwasyon sa West Philippine Sea.
Si Villarama ang direktor ng dokumentaryong Food Delivery: Fresh from the West Philippine Sea, na naglalahad ng karanasan ng mga mangingisda, gayundin ng mga tauhan ng Navy at Coast Guard na nagbabantay sa nasabing karagatan.
Sa ngayon, inaasahang ilalabas ng lokal na pamahalaan ang karagdagang detalye tungkol sa schedule at mekanismo ng mural festival sa mga susunod na linggo.
📷 Quezon City Government FB