Marikina, pinarangalan sa environmental compliance at clean-up efforts
Angelo Calixtro April 9, 2026 at 08:05 PM
Marikina City — Muling umani ng pagkilala ang Pamahalaang Lungsod ng Marikina matapos itong mapabilang sa mga nangungunang lokal na pamahalaan sa larangan ng pangangalaga sa kapaligiran, ayon sa Department of the Interior and Local Government – National Capital Region.
Kabilang sa mga natanggap na parangal ng lungsod ang pagiging isa sa mga nanguna sa pambansang antas ng Manila BAYanihan Awards, gayundin ang pagkamit ng pinakamataas na pagkilala sa rehiyonal na pagsusuri ng Manila Bay Clean-Up Rehabilitation and Preservation Program (MBCRP) compliance audit.
Ayon kay Mayor Maan Teodoro, ang tagumpay na ito ay hindi lamang bunga ng mga programa ng pamahalaan kundi resulta rin ng sama-samang pakikiisa ng iba’t ibang ahensya at ng mga residente ng lungsod.
Dagdag pa ng alkalde, ang disiplina at aktibong partisipasyon ng mamamayan ang nagsisilbing pundasyon ng patuloy na pagsulong ng Marikina sa pagpapanatili ng kalinisan at kaayusan.
Sa kabila ng mga pagkilalang natanggap, tiniyak ng lokal na pamahalaan na ipagpapatuloy nito ang mga hakbang upang mapanatili at higit pang mapabuti ang kalagayan ng kapaligiran sa lungsod.
📷 Marikina PIO FB