Barangay Bagong Silang, hahatiin sa anim na barangay
Mike Manalaysay February 11, 2023 at 07:12 PM
Inaprubahan na ng Senate Committee on Local Government ang panukalang batas na naglalayong hatiin sa anim na barangay ang Barangay Bagong Silang, ang pinakamalaking barangay sa bansa base sa laki ng teritoryong nasasakupan at sa populasyon. Ayon kay Senator JV Ejercito, chairman ng komite, pasado na sa committee level ang panukalang batas at ipinasa na ito sa plenaryo ng senado para dumaan sa deliberasyon ng mga senador.

Nagpasalamat naman sa mga bumubuo ng senate committee si Caloocan City 1st District Congressman Oscar “Oca” Malapitan, ang pangunahing may akda ng House Bill No. 5819. Nanawagan din siya ng suporta sa kanyang mga kasamahan sa Kongreso, mga opisyal ng lungsod at mga mamamayan para maisabatas na ang kanyang panukala.
Ayon pa kay Malapitan- na tatlong terminong nagsilbi bilang mayor ng Caloocan- 261,729 ang populasyon at may lawak na mahigit 524 hectares ang Barangay Bagong Silang.
“Ang Bagong Silang o Barangay 176 ay ang pinakamalaking barangay sa buong Pilipinas. Kapag nahati sa anim na mga barangay ito, mas magiging agaran ang pag-unlad ng mga komunidad, mas mabilis na makararating ang mga programa at serbisyo ng pamahalaan, at mas matututukan ang mga pangangailangan ng mga residente. Dalangin po natin ang patuloy na pagsuporta ng ating mga kasamahang mambabatas, kapwa lingkod-bayan, at mga mamamayan hanggang sa maging ganap na batas na ang panukalang ito ng inyong lingkod,” paliwanag ni Congressman Malapitan.
Photo: Congressman Oscar “Oca” Malapitan FB