Chinese New Year maagang ipinagdiwang sa Caloocan City Hall; Selebrasyon sa buong lungsod isasagawa sa Pebrero 9
Reggie Vizmanos February 9, 2024 at 07:36 AM
Maagang ipinagdiwang sa Lungsod ng Caloocan ang pagsalubong sa Chinese New Year (CNY).
Ang naturang okasyon ay sa Pebrero 10 pa ang opisyal na petsa, pero nitong Pebrero 8 ay nagdaos na sa City Hall ng makulay na tradisyunal na Dragon Dance na sinaksihan ng mga opisyal at kawani ng lokal na pamahalaan.
Sa Pebrero 9 naman ay magsasagawa ng pang-buong lungsod na selebrasyon sa pangunguna ng lokal na pamahalaan, na magtatampok ng isang concert at iba pang aktibidad.
Ang naturang Chinese New Year concert ay gaganapin sa Plaza Rizal, A Mabini Ave., sa dating lokasyon ng city hall, tampok ang mga artist na sina Kyle Echarri, Barbie Imperial, at ang bandang The Dawn.
Naglabas din ng traffic advisory ang LGU upang hindi magdulot ng negatibong epekto sa daloy ng trapiko at pagbiyahe ng mga tao ang mga aktibidad.
Para sa selebrasyon, pansamantalang isasara hanggang 2:00 am ng February 10 ang mga sumusunod na kalsada:
▪︎ A. Mabini corner Sangandaan to A. Mabini corner C3
▪︎ 10th Avenue corner Galauan to A. Mabini Dulo
▪︎ Torres Bugallon corner General San Miguel to Torres Bugallon corner 10th Avenue
▪︎ Libis Espina corner Sabalo to Libis Espina corner A. Mabini
Naglaan naman ng mga alternatibong ruta na maaaring madaanan ng mga motorista.
Una rito ay sinabi ni Mayor Along Malapitan na katuwang sa pag-unlad ng lungsod ang Caloocan City Filipino-Chinese Chamber of Commerce, Inc. (CCFCCI) sa pamumuno ng kanilang presidenteng si G. Romeo Tan.